Tunay na Ako
Bakit Pagti-titser?
May mga oras sa ating buhay na bigla nalang tayong mapapatitig at matutulala sa isang bagay o minsan sa isang tao na ating nakikita. Kung minsan, sa mga simpleng bagay tayo mas nahuhulog ang loob kaysa sa malalaking pagkilos o gawain. Sila ang dahilan kung bakit tayo napapangiti nang hindi natin namamalayan, hanggang sa tumatak ito sa ating isipan at dala-dala na natin ito hanggang tayo ay lumaki. Nagiging inspirasyon natin sila sa kung ano ang gusto natin maging sa hinaharap, at nakakatulong din sa pagabot ng mga panagarap sa buhay.
Naaalala ko noong bata pa lamang ako nang nakita ko ang aking nanay sa harap ng salamin inaayos niya ang kaniyang buhok, naglalagay ng lipstick at alahas. Napangiti ako at sinabi sa sarili na "Ang ganda ng Mommy" at dahil sa sandaling iyon pinukaw ang aking interes na maging katulad ng aking nanay, gusto ko maging katulad niya.
Lahat ng ginagawa niya ay gusto kong gawin din ito. Kahit sa paborito niyang asignatura sa eskwelehan ay gusto ko din, at ito ay Ingles. Ginawa ko ang lahat para makakuha ng magandang iskor noong nasa high school pa lamang ako. Sumali ako sa iba't-ibang organisasyon sa aking dating eskwelehan upang mas gumaling at mahasa ang aking kaalaman at pagsasalita sa Ingles. Gusto ko maging katulad ng aking nanay pero iisa lang ang sigurado ako. Iba ang gusto kong maging sa hinaharap.
Para bang nag-iba ako ng tinahak na daan o kalye na ngayon ay dinadaanan ko. Sa wakas, mayroong isang bagay na iba sa akin at hindi katulad sa aking nanay. Naiisip ko na hindi ko na gustong sundan ang mga hakbang ng aking ina. Gusto kong maging ay yung makakapaglingkod at makakatulong sa iba. Yung magagamit ko ang mga bagay na talagang ako at tunay na ako.
Nang dahil sa tita ko ay gusto ko maging isang guro. Nakita ko kung gaano kasarap sa pakiramdam at gaan sa damdamin ang kaniyang trabaho. Masasabi kong mahal siya ng kaniyang mga estudyante dahil sa tuwing uuwi siya galing trabaho ay mayroon siyang dala-dalang sulat at regalo, sa araw man ng pasko o kahit walang okasyon at hindi ito tumitigil. Siya ay natatandaan at naaalala ng kaniyang mga estudyante na isang magaling at masipag na propesor kaya siya sinusuklian ng mga ito. Kapag kasama ko siya ay binabati siya ng mainit at may respeto ng kaniyang mga estudyante at iba pang tao na nakakakilala sa kaniya. Kahit na nakakapagod ang trabaho nakikita ko bago pa man matapos ang araw na iyon ay masaya parin siya at parang walang problema dahil ang mga estudyante niya daw ang nagbibigay kasiyahan sa kaniya.
Pinili ko itong programa na ito ay siguro dahil na rin ito ay dumadaloy sa aking dugo. Mayroon akong mga pinsan at mga tiyahin na nagtuturo sa high school at college dito sa Pilipinas at sa labas. Kaya noong nasa ika-apat na taon ako ng high school nagiisip ako kung Communication Arts o Education ang kukunin ko, sa dulo pinili ko ang Education dahil noong sandali na yoon nakikita ko ang aking sarili nakatayo sa harap ng aking mga estudyante na nagtuturo, ibinabahagi ang mga kaalaman at magagandang asal na natutunan ko.
Masaya ako dahil pinili ko ang Education at pinili din ako nito.
~SARCENO, Frances Marie S.
No comments:
Post a Comment