Sunday, February 28, 2016

Ang Inspirasyon ko sa Pagiging Guro




Sa aking pagkabata nahiligan ko ng maglaro ng “titser tisteran” kasama ng aking mga kalaro.  Ako ang laging naaatasang maging titser at ang aking mga kalaro ay aking mga mag-aaral.  Limang beses sa isang linggo naming iyon ginagawa na paulit-paulit at walang kasawa-sawa.  Tunay ngang nakahiligan ko ang magturo sa kadahilanang ang aking tatay ay isa ring guro.   Kapag nakikita ko siyang gumagawa ng kanyang “lesson plan” at nagtsetsek ng pagsusulit ng kanyang mga mag-aaral ako ay nagiging mausisa.  Kaya’t kapag ako ay natatanung kung ano ang gusto kong maging paglaki ko, titser ang agad kong sinasabi. 

Ngunit ang lahat ay nagbago nang ako’y tumungtong ng elementarya.  Napansin ko at narinig sa mismong aking mga guro na hirap na hirap sila sa paggagawa ng lesson plan at pagdidisiplina ng kanilang mga mag-aaral.  Kaya’t ako ay nangamba na baka ganun din ang aking maranasan.  Napansin ko na di pala basta- basta ang magturo. Kailangan mo palang magtaglay ng maraming lakas ng loob para humarap sa iyong mga mag-aaral na sa tingin ko ay wala ako.  Doon nabatid ko na ang pagtuturo ay hindi naaayon sa uri ng aking pagkatao na mahiyain at mahina ang loob.

Nakalipas ng ilang taon, sa aking pagtungtong sa mataas na paaralan, ang lahat ng pagkahilig ko magturo ay muling bumalik.  Naatasan kaming magkakaklase na magturo ng ilang lingo sa mga bata sa “kindergarten” at “preparatory school.”  Doon nagkaroon ako ng panibagong pananaw na ang pagtuturo pala ay isang bokasyon na higit pa sa isang trabahong kailangan mong gawin upang ikaw ay magkapera.  Ito ay isang responsibilidad hindi lang sa iyong sarili at mag-aaral, kundi isang napakahalagang tungkulin mo sa bayan at sa Diyos na maghubog ng kabataan para sa kaunlaran ng lipunan at katatagan ng  pagiging isang Pilipinong may sariling kasarinlan at may takot sa Diyos.

Ang lahat ng ito ay nakita ko sa aking ama, na matiyagang naghahanda ng kanyang leksyon araw araw upang maihatid nya sa kanyang mag-aaral lalong lalo na sa unibersidad ng Santo Tomas ang tunay na kabuluhan ng buhay at propesyon.  Ipinamulat nya sa akin na ang pagtuturo ay isang dakilang propesyon na kahit walang kapalit ng malaking kita, naroroon ang tunay na layunin na kung bakit tayo ay patuloy na nabubuhay. 






Erica Trizzhe Anne P. del Rosario
1-E2
                        



No comments:

Post a Comment