Nakikita ko ang sarili ko bilang isang modernong guro.
Naranasan mo na bang magkaroon ng guro na napakastrikto? Yung tipong konting salita mo lang ng tagalog sasabihin niya agad "Speaking in Filipino, minus 5", yung tipong nilinawan mo lang yung isang letra sa sagot mo "Super imposition, minus 1" o kaya naman ay hindi ka lang tumayo pag sinagot mo ang tanong niya eh tatanungin ka pa ng pabalang na "Stand up, are you pregnant?"
Nakakainis diba? Wala kang kalayaan na gawin ang gusto mong gawin, gusto niya sa lumang paraan pa rin ng pagtuturo na puro guro lang ang nasusunod at hindi bukas na makinig sa opinyon ng estudyante niya. Minsan talaga, kailangan mo na lang pagtiisan ang mga ganitong guro dahil alam mong wala silang asawa at 10 aso lang ang kasama nila sa bahay at siyempre "gusto kong pumasa eh". At ito ang isang ehemplo ng guro na AYAW KONG MAGING pagdating ng araw.
Ano nga ba ang isang modernong guro?
Sila yung mga guro na marunong makisalamuha sa kanilang mga estudyante at alam paano makipagsabayan sa mga hilig ng mga kabataan ngayon. Dahil sa panahon ngayon, gusto ng mga kabataan ang mga guro na alam nilang makaka "relate" sa kanila, kumbaga alam ang mga terminolohiya nila katulad na lang ng "TTYL" ibig sabihin ay "Talk To You Later" o kaya naman ay "OMG" na ibig sabihin ay "Oh my God!" Ang gusto lang naman nila ay may taong makaintindi sa ayaw at gusto nila ng sa paraan na yun ay maging bukas sila sa kanilang mga emosyon at mga pinagdadaanan.
Yan ang ideal na guro at gusto kong maging sa hinaharap. Ako yung tipong guro na gusto ko nakikipagtawanan sakin ang mga estudyante ko, gusto ko masaya lang sila. Ayokong maging isang striktong guro na pipigilan sila sa mga gusto nila dahil naranasan ko na pigilan ako sa kung ano ang gusto kong gawin at ang resulta nito ay mas lalo ko itong gustong gawin. Gusto ko malaya silang gawin ang gusto nila dahil minsan pag hinahayaan mong maging malaya ang isang estudyante, dito nya natutunan o nalalaman na meron pala siyang tinatagong talento o kaya nama'y kaya niya palang gawin ang mga bagay na akala niya ay hindi nya magagawa. Kasi base sa pinag daanan ko, alam ko na pinaplastik lang ng mga estudyante ang kanilang mga guro kapag ito ay strikto at hindi na tama ang ginagawa nitong paraan ng pagtuturo.
Ayokong maging isang guro na pinaplastik lamang ng mga estudyante niya para makapasa.
Sa abot ng makakaya ko, gusto ko totoo lang sila sa akin. Gusto ko ako yung napapagsabihan nila ng problema nila sa ibang profs nila, yung alam ko yung mga tawag nila sa mga prof nilang badtrip sila. Hahaha. Masama mang pakinggan pero eto ang gusto ko, yung walang halong kaplastikan totoo lang. Ayoko din na ako pa ang pagmulan ng stress nila eh sobra na nga nilang stress sa iba nilang subjects. Ako yung prof na pwede nilang paghingahan kapag sobrang stressed na sila at di na nila alam ang gagawin nila.
Makipagkwentuhan sa estudyante ko.
Komunikasyon. Diyan naman lahat nagkakaintindihan ang mga tao, sa pamamagitan ng salita o paguusap. Gusto kong maibahagi sa kanila lahat ng pinagdaanan ko ng estudyante ako para matuto rin sila sa buhay hindi lang sa paraang akademiko. Kasi sa eskwelehan natuturo ang mga kurikulum pero ni minsan hindi nila tinuruan ang mga estudyante na mahalin nila ang sarili nila, o kaya naman ay maging proud sila sa kung ano sila, o kaya naman ay kung paano mo ba malalaman kung mahal mo na ang isang tao?
Kaya maraming kabataang napapariwala ngayon ay dahil puno sila ng kaalamang akademiko ngunit kulang sa kaalaman sa buhay. Oo, alam nga nilang magsolve ng mathematical problems o kaya naman ang proseso ng photosynthesis o stages of reading pero alam ba nila kung pano solusyonan ang problema nila sa pamilya? sa kaibigan? o sa ibang kaso sa kanilang kasintahan? Hindi. Kasi ang tanging alam ng mga guro ay ang makalumang paraan na puro akademiko lang, at hindi nila gustong ma-attach sa kanilang mga estudyante.
PUSO.
At ang pinakahuli ay PUSO. Bakit puso? Kasi base sa aking napansin, marami tayong mga estudyanteng nakapagtapos ng kanilang kurso pero kulang sa hulma ang puso. Bilang isang titser, gusto kong maimpluwensyahan ko ang mga estudyante ko hindi lamang galing sa aking utak ngunit galing din sa aking puso.
Kaya maraming edukadong tao ngayon ang mismong nababalitang pumatay ay dahil dito, hindi sila naturuan ng tama, ng galing sa puso. Oo, matalino nga sila, meron nga silang diploma pero nasaan ang puso nila para sa kapwa nila tao? Wala. Kasi hindi ito nadevelop noong sila ay mga estudyante pa, hinayaan lang ng mga guro na purihin siya dahil mataas ang kanyang grado at ayaw na nilang problemahin pa ang problema ng batang ito. Pero ito na nga ang kinahinatnan, masahol pa sa hayop ang nagawang pagpatay ng taong ito.
Paano na lamang ang susunod na henerasyon kung ang guro natin ay mananatiling hanggang utak lamang ang haplos ng kanilang kakayanan? Bakit hindi kaya nila ito paabutin hanggang sa puso ng mga kabataan ng sa gayon ay magkaroon tayo ng magandang kinabukasan.
TAMA NA ANG PURO AKADEMIKONG PAG-AARAL, AT SAMAHAN NA NATIN ITO NG PUSO PARA SA KAPWA.
Ipinasa ni: Jadie Cybil Borja - 1E2
Ipinasa kay: Ginoong Ringgo Reyes
No comments:
Post a Comment