Sunday, February 28, 2016

Ano nga ba ang Titser?

Sino nga ba siya?

Ang daming nasasabi tungkol sa isang "titser". Kesyo ma-impluwensya daw, isang propesyon na mababa ang seldo, may pagkakataong ang iba ay nagpapabayad sa mga magulang ng estudyante para lang ipasa ang anak nila at kung anu-ano pang chismis ang nasasabi sa mga titser.

Kung marami ang nagsasabi ng kung anu-anong bagay tungkol sa mga guro, mayroon pa din namang gumugusto sa isang titser dahil sa mga magagandang bagay na naidududlot nila sa lipunan, katulad ng pagtuturo ng mga mabuting asal. Oo, hindi lang sa bahay pwede matutuhan ang mga mabuting asal kundi mula din sa mga titser natin. Nandyan din ang pagkakaroon natin ng malawak  na pananaw sa iba't ibang bagay, sila ang nagturo satin kung paano umintindi, kung paano mag-appreciate ng mga bagay sa paligid natin.

Marami ang nadudulot sa atin ang titser. Hindi lang sila basta titser na akala mo puro kaseryosohan lang ang alam, nandyan din yung pupwede natin sila maging kaibigan. Nasa atin naman kasi kung paano din natin itatrato ang mga titser natin. Minsan din kasi tinatantsa nila kung paanong pakikitungo ang gagawin nila sa atin. Likas sa ating  mga estudyante na may iba't ibang ugali. May mga estudyanteng pagkagulo-gulo na sakit talaga sa ulo ng mga titser at meron namang mga estudyante na likas na mabait at magaling makihalubilo. 

Ang mga titser kahit sabihin mong isa sila mga propesyon na mababa ang sweldo, hindi nila alintana ang ganoong pananaw dahil ang isang titser ay may dedikasyon sa kanyang propesyon. Isa din sa kagandahan sa mga titser ay hindi alintana sa kanila ang kanilang pagod lalo na kapag nakikita nilang natututo ang kanilang mga estudyante. 

Ang iba ay minamaliit ang titser, hindi ba nila naiisip na hindi naman sila makaka-abot sa kung anong propesyon na meron sila kung hindi dahil sa mga titser? hindi ba nila naisip na hindi naman lalawak ang kanilang pag-iisip kung hindi dahil sa titser? Ang mga titser ang humuhubog sa atin, sa kaisipan natin. Sila din ang tinuturing na pangalawang magulang.  Ang titser din ang nag-tutuga sa mga estudyante na mag-aral mabuti dahil alam din ng mga titser kung anong hirap ang dinadanas ng mga magulang mapag-aral lang ang kanilang mga anak. Napaka lakas ng impluwensya ng mga titser, kung tutuusin nga mas sinusunod pa ng estudyante ang titser kaysa sa magulang nito. Minsan kapag may sinabi o may pinag-utos ang isang titser agad itong sinusunod ng isang estudyante. Nakatatak na sa ating mga isipan na kapag sinabi ng isang titser kailangan itong  sundin dahil alam naman natin na hindi tayo mapapahamak sa sinasabi nila.

Kung tutuusin napaka daming katangian mayroon ang isang titser pero ang nakakapagtaka lang kung bakit may mga chupol na minamaliit ang propesyon nila. Para bang wala silang pag-galang sa taong humubog din sa kanila. Kung titingnan nga'y napaka laki ng utang na loob natin sa kanila. sobrang dami nilang karunungan ang nai-ambag sa atin at sa kapasidad ng mga utak natin. 

Ngayon pa lang ay nagpapasalamat na ako sa ideyang paggawa ng blog na katulad nito. Dahil dito, nabuksan ang isip ko tungkol sa mga titser na nagpapakahirap para sa ating mga estudyante na matuto. Samantalang, tayong mga estudyante ay petiks petiks lang at madalas ay hindi pa natin sila pinapakinggan. May pagkakataon pa na nababastos na natin sila, para bang hindi natin nakikita ang halaga na naibibigay nila sa atin.

Sana naman mabuksan din ang isipan ng mga kapwa kong chupol kung ano nga ba ang isang titser at anong klaseng halaga meron sila sa lipunan natin. 


~ Samantha F. Sapaya


No comments:

Post a Comment