Saturday, February 27, 2016

AY OH, EDUC ‘LANG’?


Isang gabi sa isang kasiyahan sa La Union, lumapit ang isang kaibigan ko nung high school…

            “Hi Russel! 'Musta na?”

            “Hello, okay lang naman, medyo mahirap din kaya kailangan din umuwi at lumabas.”
           
“Saan ka ba nag-aaral sa Manila? Ano bang course mo?”

“Education sa UST.”

“Ay oh, Educ lang? Bakit di ka na lang nag-aral sa school mo nung high school, may Educ naman doon?” Di ko na lang siya sinagot dahil gusto ko na siyang sapakin.

Hindi lang ito ang kauna-unahan na narinig sa bibig ng ibang tao na may kaakibat na ‘lang’ pag sinasabi nilang ‘Educ’. Marami na, sobrang dami na, nakakasawa na.

            Hindi ko alam kung bakit sa paningin ng tao ay napakababa lamang ng pagtuturo para sa kanila. Sa hirap ba ng pinapagawa sa kurso? Sa kinabukasan ba o kahahantungan mo pagakatapos mo sa kolehiyo? Ang pagka-prestihyoso ba ng ibang kurso? Laki ng kwartang matatanggap pag regular ka na sa trabaho? Napakaraming rason kung bakit nga ba patuloy pa rin ang pagbabalewala nila sa kurso. Karamihan kasi sa atin tinitignan ang tagumpay sa pera at ari-arian na ating matatanggap pag tayo’y nagtatrabaho na. Yung tipong kukunan mo na litrato ang una mong cheke, ilalagay sa Instagram at sasabihin mong ‘blessed’, at ang mga chupol mong kaibigan ay sasabihan kang “RK” at “libre naman dyan *lagay emoji, para cute*”. Lahat ng ito’y nakita ko na, narinig ko na, ngunit kahit ganito ang tinign ng tao ay wala akong pakialam at pinili ko parin kumuha ng Edukasyon.

            Ikalawang taon ko pa lang sa high school, ay sumagi sa isip ko na maging guro pag laki ko pero hindi ko sinigurado dahil isa rin ako sa mga ‘kitid-utak’ o tingin din sa pagtuturo ay sobrang baba lamang noon at isa pa, pinapangarap kong maging abogado. Huling taon ko sa high school, panahon ng mga aplikasyon sa kolehiyo. Sinubukan kong mag-apply sa UST. Akala ko parang high school application lang din pero nang dumating sa puntong isusulat mo na ang first choice at second choice mo ay dito na ako nahirapan. Secondary Education at Legal Management ang napili nguint sa saan? Sa una o pangalawa?

Sa sobrang hirap ng pagpili ay kinailangan ko na ng tulong. Una kong nilapitan ay ang aking ina na isang propesor sa kolehiyo. Alam niyang gusto ko maging guro at maging abogado at nung tinanong ko siya “Gusto mo ba talagang maging abogado o pera lang habol mo? Gusto mo maging teacher, pero iniisip mo na wala kang mapapala? Pumili ka, doon sa may pera ka pero ayaw mo sa ginagawa mo o doon sa may pera ka kahit konti kumpara sa una pero sasabihin mo ‘masaya naman ako eh!’”. At doon sa puntong iyon ay nakumbinsi ako na maging guro, na sinasabi ko lang dati na “Educ lang...” at napalitan ng “Educ na!”.

Sa likod ng abiso ng aking ina ay may mga rason pa na tumatayo bakit ko ito pinili:

Una, isa kang guro, dapat may kaalaman ka ngunit dito masasabi na may napag-aralan ka talaga. Hindi mo masasabing alam mo na ang isang aralin kung hindi mo pa ito naituturo nang maayos. Ang mga mag-aaral ay nagtatanong na magpapalalalim sayo ng kaalaman upang masagot ito.

Pangalawa, tignan natin ang pagtuturo bilang marangal at hindi prestihyoso. Marami sa atin ang pumipili ng kurso sa kolehiyo dahil, marami ang kumukuha, maraming pera, gusto ni mama at papa, nakadaragdag respeto, yung iba nga, gusto lang madagdagan yung pangalan nila ng “Dr., Atty., Arch., at iba pa.”. Masyado tayong nakatuon sa sarili natin kaysa sa magagawa natin, tinitignan muna natin yung matatanggap natin kaysa sa maibibigay natin. Masyado kasi tayong makasarili kaya pag sumaya tayo, sa atin lang 'din. Kung guso mong maging guro, dapat lamag na mawala ito sa isip mo.

Panghuli, naniwala ako na sa propesyong ito ay makakagawa ako ng pagbabago. Hindi ko kailangang maging pulitiko para makapagpakita ng pagbabago. Bilang guro, tinutulungan mo ang mga estudyante na buksan ang kanilang pagiisip at hubugin ang sarili nilang paningin at paguunawa. Nagagawa ito ng mga guro sa pamamagitan ng paglilinang ng kanilang abilidad na gumawa ng mga bagay-bagay, pagbubuo ng kanilang karakter at ang guro ang nagbibigay ng salamin sa kanilang estudyante upang makita ang mundo at alamin ang mga kailangan upang malaman ang mga dapat gawin upang mabuhay ng maganda at produktibo.

Sa akin, ang pagtuturo ay isang ‘masayang sakripisyo’. Bakit? Maari nating sabihing, pwede naman ako pumili ng mas magandang trabaho kumpara dito. Ngunit sa likod nito ay masisiyahan ka dahil pag makikita mo ang bunga ng iyong mga naituro pag ginagawa ito ng mga tinuruan mo. At sa puntong nakita mong ngumiti ka dahil sa mga naituro mo, dito na papasok ang ‘serbisyo’, ang paggawa ng trabaho ng may saya at kuntento.

Sa mga gustong maging guro, tanungin mo sarili mo. Handa ka bang unahin ang iba kaysa sa sarili mo? Handa ka bang magbigay, di lang laman sa utak ngunit laman din sa puso? At handa ka bang sabihin sa mundo na ‘Isa akong marangal na guro!”

Sa mga taong patuloy na bumabatikos sa kursong ito. Hindi ko kayo mumurahin, sasapakin, gagalitin. Ngunit, ang masasabi ko lamang ay hindi kayo makakapunta sa kinatatayuan niyo kung wala kayong guro. Yung sinabi mong ‘Educ lang’? Yun yung tinapos ng guro mong minahal ka at alam kong minahal mo rin at nagsilibing nanay o tatay mo habang nag-aaral ka. Magbigay ka rin ng importansya dahil inuna ka nila bago nila inisip sarili nila.

            Wala ako sa tamang katayuan para sabihin na ‘masaya ang pagtuturo, challenging ang patuturo’ dahil wala pa ako sa tamang katayuan upang ihayag ito, ngunit alam ko na masasabi ko rin ito tatlo o apat na taon simula ngayon.
 
 May nakalimutan pa pala ako. Sa mga guro na tumulong sa akin. Wala ako ngayon dito na gumagawa ng isang blog kung hindi dahil sa inyo. Isa rin kayo sa rason kung bakit ko pinili ko magturo, ang gagaling ninyo ‘eh! Ngayon, ang upuan ko ay isang upuan na may karugtong na isang tableta na nagsisilbing mesa. Sa mga susunod na mga taon, ako ay naka-upo pa rin, sa isang upuan, sa likod ng isang mesa, may hawak na tisa, handing magturo ng mga bata.

            “You cannot torch to light someone’s path without brightening your own”. Ito ang nakasaad sa taunang libro ng aking paaralan na nasa tabi ng aking litrato. Magkakaroon din ng araw na ako na ang may hawak ng sulo na nagsisilbing ilaw at sasabihin kong “Natuto akong maging ilaw sa isang paaralan sa Espanya, panahon ko na upang maging ilaw at magbigay ilaw sa iba”.


Ako si Russel John Gimpaya, kumukuha ng Pagpapakadalubhasa sa Edukasyong Pansekundarya at higit pa ako sa 'lang'... at alam ko, ikaw rin. 

No comments:

Post a Comment