Bakit nga ba pagtuturo ang napili kong propesyon?
Ang kahirapan sa
ating bansa ay hindi maikakaila at maitatago. Ito na ang naging mukha ng ating
republika. Nagamit na ito ng maraming politiko at mayayamang kapitalista para
sa pang sarili nilang dahilan, ngunit hindi ito nagsilbing leksyon sa ating mga
mamamayan. Marahil, dahilan ito ng kamangmangan sa ating hanay.
Noong 2003, may pagaaral na nag sabi na mayroong
5 milyong Pilipino ang hindi nakaka-basa at nakakasulat na may edad na 10
hanggang 65. Bahagya man itong nabawasan noong 2009, bumaba naman ang antas ng
mga kabataan na nakakatapos ng pagaaral mula 71% hanggang 64%. Hindi malinaw ang
dahilan ng statistikong ito. Ngunit kahirapan ang itinuturo ng marami. Ang mga
magulang na hindi nakatapos at hindi makahanap ng magandang trabaho ay
nawawalan ng kakayahan na pag aralin ang kanilang mga anak. Wala rin maitulong
dito ang ating pamahalaan na pinamumunuan ng mga politiko na karamihan ay nasa
posisyon dahil sa pagsasamantala sa kahirapan at kamangmangan ng mga tao. Isama
na rin natin dito ang kakulangan ng dekalidad
na mga guro na may malasakit sa ating bayan.
Bagamat dumadami ang bilang ng mga guro sa
ating bansa taon-taon, malaki parin ang kakulangan nito. Sa kasalukuyan, ang teacher-pupil ratio sa ating bansa ay
nasa 1:36 na nagkakaroon ng halos 55 estudyante sa isang klase sa mga
pampublikong eskwelahan. Malayong malayo sa 1:14 ng Amerika o 1:17 ng Japan. Mga
bansa na di hamak na mas mayaman kaysa satin.
Ilan na lamang sa ating bansa ang nagkakaroon
ng pribilehiyo na makapag-aral at makapagtapos. Ibinigay ito sa akin at ITO ang
pinaka malaking dahilan upang tumulong ako sa aking inang bayan. Nais kong
maibalik at balang araw ay maipamahagi sa mas nakababatang henerasyon ang aral
at asal na nararapat sa ating mga Pilipino. Pangarap ko ang isang maunlad at
tinitingalang Pilipinas, ito na marahil ang magiging pinka-malaki kong ambag
para sa katuparan nito.
Ang impluwensya ng aking mga guro noong ako ay
nasa elementary at high school ay isa rin sa mga dahilan
upang ituloy ko ang pagiging isang guro. Ang pagbibigay nila ng pagmamahal sa
kanilang propesyon ay isang bagay na nais ko ding maibigay at maiparamdam sa
iba, pag dating ng panahon.
Ang edukasyon ay sagot sa kahirapan, ito ang
perspektibo ng ating lipunan. Hindi natin maitatanggi ang katotohanan sa
pahayag na ito, kaya naman isinusulong ng mga magulang sa pamilya ang edukasyon
ng mga anak at hindi iba dito ang aking mga magulang. Gagawin nila ang kanilang
makakaya upang matupad ko ang aking pangarap na balang araw ay makapag hubog ng
mga lider sa hinaharap. Ang aking mga magulang ay ang tunay kong mga
inspirasyon. Ang kanilang walang pasubaling pagibig para sa akin ay nagsisilbing
apoy upang magpatuloy ang aking laban sa buhay. Utang ko man sa kanila ang
lahat, wala silang inaantay na kapalit kundi maibahagi ko din sa iba ang aking
kaalaman.
Cristel Jaye A. Diaz
1E2
No comments:
Post a Comment