Kung tatanungin mo si Timothy na nasa ikalimang baitang kung ano ang gusto niyang propesyon sa kanyang paglaki, hinding hindi niya isasagot ang pagiging isang titser. Ngunit bakit ngayon, ako na ay nasa unang taon ko sa kolehiyo, ikalawang termino, at nasa daan na ako sa pagiging isang opisyal na guro? Sa sumunod na mga taon ay mga nakilala ako na nagpakita sakin ng mga pasikot-sikot, hirap, at gantimpala ng pagtuturo. Tunay ngang nagliyab ang haling at kagustuhan kong magkaloob ng iba't-ibang kaalaman sa susunod na henerasyon upang guminhawa ang kanilang buhay.
Hindi ko pwedeng sabihin na isang tao lamang ang nagsilbing inspirasyon ko sa pagiging guro, kaya ako'y magpapakatotoo at babanggitin ko ang tatlong tao at tutukuyin ko ang kanilang mga nagawa, epekto sa buhay ko at katangian na gusto kong isabuhay.
Si G. Rommel Junio, ang punongguro at titser sa agham (science/biology) ko noong ako'y nasa ika-anim na baitang bago mag graduate sa hayskul ay ang unang tao na gusto kong tularan, at nagkataon lamang na siya ay isang guro. Ang kakaibang katangian kay Sir Junio ay ang pagtrato sa kanyang bawat studyante bilang kanyang anak. Hindi man siya ang nag iisang guro na ganito ang pakikitungo sa kanyang mga estudyante, siya ang una kong nakitaan ng ganong ugali, kaya ako'y nahanga. Sa lahat ng naging suliranin ng klase ay pinagtugunan niya ng pansin, at ang mga kaklase ko na may kakaibang personalidad ay kanyang tinuturuan ng tamang asal. Tumatak sa akin ang ganong paraan ng pakikitungo sa mga estudyante, dahil bago ko siya makilala ay nakita ko ang mga guro bilang mga propesyonal lamang na wala dapat personal na pagturing sa mga estudyante. Oo, may mga hangganan ito ngunit mayroon dapat patas na kaalaman sa paksang itinuturo at sa pakikipag ugnayan sa mga estudyante.
Ang sumunod na taong nagsilbing modelong guro na gusto ko tularan ay si G. Rodgie Polidario. Kung naghahanap ka ng guro na patas sa pagbibigay ng grado, patas sa kaalaman sa iba't ibang larangan, patas sa pagtrato sa lahat ng estudyante at higit sa lahat ay patas sa pagbibigay ng hustisya, si Sir Rodgie na 'yon. Siya ay guro na napakagaling magturo ng Araling Panlipunan at dahil gusto niyang matuto ang mga studyante niya, nakakapagisip siya ng mga nakakasabik na gawain kung saan hindi lamang kami nagsaya, natutunan din namin ang dapat alamin na paksa tungkol sa kasaysayan ng Asya at ng mundo. Naging guro ko siya sa ika-walo at ika-siyam na baitang, kung saan siya'y naging punongguro ko sa naunang taon. Nagkaroon ng suliranin sa pangkat ko hinggil sa pagkakaroon ng bisyo ng mga kaklase ko. Kung ibang guro o kahit tao ay nalagay sa posisyon niya, baka hindi nila kayanin ang mga ginawa ng ilan sa mga kamagaral ko, ngunit siya ay naging matatag at ginawa niya ang lahat ng makakaya niya upang malampasan at kalakihan nila ang puntong iyon sa buhay nila kung saan napilitan silang malulong sa bisyo dulot ng mga nangyayari sa buhay nila.
Si Sir Rodgie ang nagsilbing tagapayo nila sa panahong iyon ay tinuruan niya sila ng mg abagay na mas makakapagayos sa mga problema nila sa buhay. Hindi lamang 'yon, bukas din ang isip niya sa maraming paksa, kahit maging maselan ito sa iba. Kung paano siya maging mabuting ehemplo sa marami dahil sa iba't-ibang mga aral at leksyon na itinuro niya samin (hindi lamang sa mga paksang pampaaralan) ay sana ganon din ang maging epekto ng pagtuturo ko sa mga magiging estudyante ko.
Ang ikatlong gurong nag impluwensya sa'kin sa buhay hayskul ko ay si Gng. Shellah Cruz. Si Gng. Cruz, o mas kilala sa palayaw na "Ma'm Shellah" o "Mama She" ay ang nagsilbing punongguro ko sa ikatlong taon ko sa hayskul at guro ko sa chemistry. Sa kanya ko nakita ang pagiging isang magulang sa mga estudyante. Iba ang kanyang pamamaraan sa mga palakad ni Sir Junio dahil iba ang dating kapag ang titser ay nagsilbing nanay, kung saan kakaiba ang pagmamahal na ipinapakita. Oo, naging mahigpit siya samin at sa bawat pagkakamali namin ay sinasaway ang pangkat namin, ngunit paulit-ulit niyang sinasabi na ang rason kung bakit niya 'yon ginagawa ay dahil mahal niya kami at ayaw niya na lumaki kami nang umaaasa palagi sa mga guro o matatanda. Aaminin ko, naintindihan ko na lamang ito nang ako ay nasa ikaapat na taon na ng hayskul. Totoo nga na sa bawat pasintabi at pagalit samin ay para sa ikabubuti namin, na sa kaloob-looban niya ay minahal niya kami bilang kanyang mga anak, maging makulit man kami o sutil. Isa siyang tunay na ehemplo ng isang mapagmahal, mapagbigay at masipag na guro, at isasabuhay ko ang mga katangian na ipinakita't ipinagkaloob niya sa pangkat namin kapag ako na ay naging isang ganap na guro.
Hindi lamang ang mga taong ito ang nagbigay motibo sakin sa pagkuha ng kursong edukasyon sa kolehiyo, kung sila ang mga binanggit ko dahil sila ang may pinakamalaking epekto sa pagdedesisyon ko, at ilan sa kanila ang tunay na nagpasiklab ng hilig kong magbigay at magturo ng bagong kaalaman sa iba. Marami ring ibang tao at bagay ang nakapagkumbinsi sa akin na tuklasin ang kursong ito at buoin ang aking pasya na maging isang titser.
Nakakatuwang balikan ang mga panahon kung saan hindi pa ako desidido sa gusto kong maging propesyon sa pagtanda ko, kumpara sa kasalukuyan kung saan buo na ang loob ko sa pagiging isang guro. 'Di ko aakalaing magkakaroon ako ng interes sa pagtuturo matapos lamang ang limang taon.
Sinong makakapagsabi na sa loob ng ilang taon at pakikisalamuha sa ilang mga tao ay posibleng magbago ang pananaw ko sa propesyong pagtuturo?
-Joseph Timothy S. Raposas
BSEd 1E2
No comments:
Post a Comment