Monday, February 29, 2016

TITSER ANG MAGBABAGO NG MUNDO


ANGELICA BERNICE F. BONOAN



Mga estudyante na natutulog sa klase dahil sa kabagutan na dulot ng guro na walang alam gawin kung hindi basahin ang nakasulat sa “projector”. Mga estudyante na may kinikimkim na sama ng loob sa guro na nagpahiya sa kanila sa klase. Ilan lamang ang mga ito sa dahilan kung bakit nawawalan ng gana ang mga estudyante sa kanilang pag-aaral.
 Isa din akong estudyante at naranasan ko na din ang mga ganitong pangyayari, marahil ay mas malala pa ngunit nagpapasalamat na din ako at pinagdaanan ko ang mga ito dahil ito ang nagbukas sa aking mga mata sa katotohanan na kailangan ng mga kabataan ng isang guro na maghahatid at huhubog sa kanila sa tamang anyo. Naniniwala ako na mas magsusumikap ang mga estudyante kung makikita at mararamdaman nila ang pagmamahal at pag-aaruga ng kanilang guro. Hindi ko sinasabi na dapat mawala ang disiplina sa loob ng silid-aralan ngunit  mas naniniwala ako na mas magiging matagumpay ang pagtuturo kung may kasama ito na pagmamahal.





 Nasa unang taon pa lamang ako ng kolehiyo at kinukuha ko ang kursong  “Bachelor of Science in Secondary Education” dahil nais ko na umunlad ang ating bansa at ako ay buong puso na naniniwala na ang kabataan ang pag-asa ng ating bayan,  ngunit paano natin makakamit ang ating hinahangad na tagumpay kung walang armas ang ating mga panlaban? Edukasyon ang pinakamalakas na sandata ng sinuman dahil malaya ka na makakagalaw kung ikaw ay may pinag-aralan. Magkakaroon ka ng lakas ng loob at tiwala sa sarili dahil alam mo na may ibubuga ka at walang sinoman ang maaring tumupak o mang-api sa iyo. Tunay na nakakapanghina ang mga nangyayari sa ating bansa sa kasalukuyan pero hindi pa huli ang lahat para ayusin ang mga ito. Alam ko na madami pa akong bigas na kakainin upang makamit ang aking pangarap pero ngayon pa lamang ay hinahanda ko na ang aking sarili sa napaka-laking responsibilidad na aking gagampanan.
 Kulang-kulang na apat na taon pa bago ko masabi na isa na akong ganap na guro ngunit ngayon pa lang ay iniisip ko na ang aking pagkatao bilang teacher. Meron akong tatlong patakaran sa loob ng aking klase at ito ay ang: respeto, katapatan, at pagmamahal sa kapwa. Ang mga patakaran na iuto ang tutulong sa akin na magkaroon ng balanseng  kapaligiran sa loob  ng silid-aralan. Ito din ang magiging gabay ko, hindi lamang ng aking mga estudyante, para maisakatuparan ang aking mga layunin.
 Nakikita ko na ang aking sarili sa hinaharap, ang aking sarili kapag ako ay ganap na guro na at nagtatag na din ako ng mga katangian na aking isasabuhay simula pa lamang ngayon upang maging mahusay at mabisa akong guro. Ang una ay Disiplina, maaring madaling magtatag ng mga patakaran upang madisiplina ang mga estudyante ngunit ang totoong basihan ng disiplina ay makikita sa ugali ng bata sa labas ng silid-aralan. Nais ko na magkaroon sila ng disiplina na dadalhin nila hangang pagtanda nila upang maging mabuting halimbawa din sila sa ibang mga bata.
 Ang ikalawa ay nais ko  ibalik ang tradisyunal na pagtuturo. Ang ibig kong sabihin sa tradisyunal na pagtuturo na walang mga “high-tech gadgets” dahil naniniwala ako na isa ito sa mga dahilan kung bakit napapariwara ang ilang mga estudyante. Nais ko na matuto sila sa aking mga tinuturo at maintindihan nila ng mabuti ang aking mga tinuro. Nais ko na maipaliwanag nila sa kanilang sariling kakayahan ang mga aralin na aking tinuro.
 At ang panghuli ay nais kong ituro sa kanila ang mga kasanayan na magagamit nila sa tunay na buhay dahil higit sa talino mas magagamit nila ang mga ksanayang ito. Ayoko na walang alam ang aking mga estudyante sa realidad ng buhay dahil kahit anong talino ng isang bata kung wala naman siyang alam sa mga nangyayari sa paligid ay magiging walang halaga ang katalinuhan na ito.



 Mahaba pa ang aking preparasyon sa pagiging guro ngunit dapat ngayon pa lamang ay handa na ako sa aking tatahakin na landas sa buhay. Hindi ako susuko hanggang hindi ko nakakamit ang nais ko na pagbabago at ang aking kayunin na baguhin ang ating mga kabataan. Alam kong hindi madali ito ngunit ang mahalaga ay mahal ko ang aking gagawin at wala akong kahit anumang bahid na pagsisisi sa aking piniling kurso at pangarap.


No comments:

Post a Comment