Maraming beses na ako nakakarinig ng mga guro na sinasabihan
ang kanilang mga estudyante na hindi nila kaya umusbong sa buhay dahil bobo
sila at kulang pa ang kakayanan.
Hindi ba dapat na bilang guro, ikaw ang huhubog ng
kakayanan upang maging “kaya na” ng iyong estudyante, at
ikaw ang pupuno ng pagkukulang upang maging “buo” na ang kaalaman.
At dahil dito, sinabi ko sa sarili ko na pagtuturo ang pipiliin
kong propesyon dahil gusto ko maging isang instrumento na susuporta sa pagsisikap
ng aking mga estudyante.
Sabi ng mga kaibigan ko, at mga propesor ko noong hayskul,
hindi ko daw ikakayaman ang pagtuturo dahil walang pera sa propesyon na ito. Sabi
rin ng mga kaibigan ko na ipagpatuloy ko na lang daw ang kursong Legal
Management at maging abogado dahil iyon naman daw ang pangarap ko noon pa lamang.
Dahil sa pagtuturo, mai-stress lang daw ako sa pagsaway ng mga makukulit na
estudyante, sa paggawa ng lesson plan, at kung anu-ano pang problema na pwede
mong isipin sa buhay ng isang titser.
Hindi ko maipagkakaila na nagdalawang isip rin ako dahil mas gusto ko maging abogado.
Pero bakit nga ba ito pa rin ang pinili ko?
Una, alam ko na pwede ko pa rin namang ipagpatuloy ang
pagkuha ng abogasya ; hindi naman hihinto ang oportunidad para sa akin na maging
abogado.
Pangalawa, gusto kong makatulong sa bansa. Alam ko na may
utang na loob ako sa aking bansa, at mababayaran ko ito sa paglilingkod sa bayan
ko sa pamamagitan ng pagtuturo at paglilinang ng mga kakayahan ng mga
estudyante ko na walang inaasahang kapalit. Lalo na madaming mga estudyante na
sa bundok nakatira, at kahit gaano kalayo ang nilalakad nila araw-araw,
sinisikap pa rin nila pumasok para
matuto bumasa at sumulat.
Pangatlo, sigaw ng puso. Kahit anong gawin kong pag-iwas sa
propesyon na ito, at kahit na ilang beses ako nagdalawang isip, hindi ko pa rin
ito matanggihan. Laging natatalo ng lakas ng puso ang isip.
Ikatlo, biyaya ng Panginoon. Hindi lahat ay nabibigyan ng
pagkakataon na makapagturo, o oportunidad na mahasa ang kakayahan sa isang
magandang Unibersidad. Sino ba naman ang makakatanggi sa bigay ng Diyos?
Ang pagiging guro ay isang propesyon kung saan sayo
nakasalalay ang mga pangarap at pagbabago ng mga buhay ng mga estudyanteng
ipinagkatiwala sa iyo ang kanilang kakayahan.
Sa mga guro nakasalalay kung ilan
sa mga tinuturuan niya ang maaaring maging pinuno ng bansa, makakadiskubre ng gamot
sa cancer, magiging drug lord, o magiging illegal recruiter.
Kaya pagtuturo ang pinili kong propesyon dahil kahit hindi man ako yumaman, alam kong
ako ay makakatulong makabuo ng mga
pangarap ng mga estudyante, at higit pa sa pera ang halaga nito.
Napakasaya at napakasarap magbahagi ng iyong kaalaman; matutunan
humarap sa iba’t ibang klase ng tao, matutunan umintindi at magpasenya,
dumisiplina ng sarili at ibang tao, at higit sa lahat napakasaya maging guro
dahil nakakataba ng puso makinig sa mga pangarap ng ibang tao; kaya pinili ko
ang pagti-titser.
PORRAS, KYRAH IRISH M.
No comments:
Post a Comment