Matapos ang ilang taong pagiging estudyante, masasabi kong maraming klase ng guro: Mga gurong nagtuturo na laging pinapairal ang utak, sobrang strikto, takot sa mga nakatataas sa kanya. Mga gurong nagtuturo na laging pinapairal ang puso, masyadong maluwag, takot sa estudyante. Mga gurong nagtuturo lang, malabo, lahat na ginawa at pinagawa.
Para sa'kin, ang pinaka maayos na guro ay yung ikatlo--yung gurong nagtuturo lang, malabo, lahat na ginawa at pinagawa. Isa ito sa mga nakita ko sa pinakamagaling na gurong iniidolo ko.
Kwento niya, siya ay isang kilalang gang leader noong bata pa siya. Basagulero, malakas ang trip, mahilig manloko, kinatatakutan ng marami. Isa sa mga gawain niya noon ay ang 'di pagpasok sa paaralan. Ngunit sa dulo-dulo ng kanyang panahon bilang isang bata, natagpuan niya ang sarili niyang nagpapasiya na magturo at pumasok sa lugar na ayaw na ayaw niyang pasukan noong bata siya--ang paaralan. Eikichi Onizuka ang ngalan niya.
Isa pa sa mga nakabibilib na gawain niya ay ang nakikisalimuha siya sa mga studyante. Hindi yung tipong kamustahan lang pero yung tipong kinikilala ka talaga niya. Inaalam niya kung ano ang problema mo at ginagawan niya ito ng paraan--hindi bilang isang guro kung hindi bilang isang kaibigan. Malabo nga siya minsan eh, hindi mo alam kung guro mo ba siya, o tropa, o magulang. Importante para sa'kin iyon. May mga estudyante siyang suicidal, may problema sa magulang, may problema sa kanya, ginawan niya ng paraan. At hindi yung basta kinakausap lang o pinapayuhan, ginagawan niya talaga ng paraan. At ang mga paraan na 'yon, hindi masasabing kumbensyonal ngunit napaka epektibo. Nabalian na siya ng buto, naubusan ng pera, at nakulong para lang sa estudyante niya.
At higit sa lahat, ang pinaka idinidiin niyang leksyon ay yung mabuhay ka ng masaya. Kahit sino ka man. Naniniwala akong isa ito sa mga leksyon na hindi nabibigyang diin ng mga guro ngayon. Lahat ay ginagawa niya para lang maging masaya ang mga tao sa paligid niya--lalong-lalo na ang kanyang mga estudyante. Walang takot siyang nagpapakaloko, nagtuturo ng kung ano-anong mga dagdag na bagay para lang sa ikatutuwa hindi lamang ng mga estudyante niya kung hindi na rin ng mga kapwa niya guro. Namuhay siyang pinanindigan ang tinuturo niyang leksyon na ito.
Si Onizuka-sensei ay isang patunay na hindi lahat ng modelong tao ay nakikita sa mga matatalino, pogi at mababait na indibidwal. Lumaki siyang basagulero at pasaway, ngunit sinundan niya ang kagustuhan niyang magturo. Hindi ko man kayang gawin lahat ng ginagawa niya susubukan ko pa ding ihalintulad ang aking estilo ng pagtuturo sa kanyang estilo--magtuturo lang ako ng ginagamit ang puso't isip sa nararapat na panahon, iintindihin ko ang estudyante ko sa mas malalim pa na lebel, at tuturuan ko ang mga tao sa paligid ko na mamuhay ng masaya at huwag matakot sa kahit na ano, kahit na sino.
Sobrang hindi kapani-paniwala ang kwento ko 'no?
Siguro dahil si Onizuka-sensei ay napapanuod ko lang sa isang anime. 'Great Teacher Onizuka' ang pangalan ng palabas. Tungkol sa isang dating gang leader na nagpasyang magturo sa isang paaralan na may mga basagulerong estudyante. Bale, may katotohanan pa rin naman ang kwento ko.
Hindi ba nakakatawa? Sa dami ng gurong nakasalamuha ko, kay Onizuka-sensei pa ako talagang natuto.
- Gavin Villaronte (@GavinoLMV/http://supergproxy.tumblr.com/)
P.S. Baka gusto niyong mapanuod/mabasa--Great Teacher Onizuka
No comments:
Post a Comment