Monday, February 29, 2016

Ang pangarap na hinulma ng EHS at mga PSTs


Ang pangarap na hinulma ng EHS at mga PSTs
Bakit Pagtititser?

“Practice teacher lang ‘yan!”, “Ginagawa lang kayong training ground.”, “Wala pa silang napapatunayan.”, Hindi pa sila lisensyado, baka mamaya di pa yan makapag-martsa sa graduation.”. Sawang sawa na akong makarinig ng mga katagang katulad nito na tila hinahamak ang kakayahan ng aking mga naging guro sa Education High School. Bilang alumni ng laboratory school na ito, aminado ako na ang aking Alma Mater ay binubuo ng mga 4th Year BSE students o mas kilala bilang “Pre-Service Teachers” na hinubog ng Unibersidad ng Santo Tomas sa loob ng tatlong taong pananatili nila dito.


Bakit pagtititser? Hanggang sa kasalukuyan paulit ulit ko itinatanong ito sa aking sarili ngunit isang bagay ang siguradong sigurado ako, nakatitiyak ako na isa sa mga naging daan upang tahakin ko ang landas ng pagiging isang guro ay ang Education High School. Ang mga taong tinutukoy sa mga pangbabatikos na naririnig ko ay higit pa sa ‘lang’ at matagal na nila itong napatunayan, pinapatunayan at ipagpapatuloy ko ang kanilang simulain. Sa mga susunod na taon ay alam kong mararanasan ko rin ang mga naranasan nila. Muli ako ay makakatungtong sa platform ng EHS, ngunit hindi sa kadahilanang ako ay muling mauupo sa mga armchair bilang mag-aaral, ngunit ako ay tatayo sa harap ng mga EHSian at gagampanan ang tungkulin ng isang tunay kahit di pa man lisensyadong guro hindi lang para magantimpalaan ng matataas na marka sa aking practicum ngunit dahil ito ako, bawat silakbo ng puso ko at pag-ikot ng mundo ay alam kong dito lang ako tunay na magiging maligaya.


Hindi lahat ng mag-aaral ay parepareho ng estillo sa pagkatuto. May mga pagkakataon na maaaring makatagpo ako ng isang mag-aaral na ubod ng talino, na halos alam na ang sagot kahit sa mismong katanungang ibinibigay sayo para iyong sagutin, ngunit sa kanilang pagtatanong ay may kalakip iyong hangarin na magkamali ka nang sa gayon ay maging paksa ka ng panlilibak at pangungutya. Mayroon naman mga estudyante na kahit na wala naman silang nagawa sayo ngunit parang napakainit ng dugo mo sa kanila sa di malamang kadahilanan. Mayroon naman estudyante na hindi makasabay sa daloy ng klase o mas kilala bilang “black sheep” ng klase na kahit anong gawin mo na “spoonfeeding” sy hindi pa rin epektibo. Sa mga pagkakataong ito, maaaring gusto mo na lang sumabog, umiyak at maglaho na parang bula ngunit ang mga ito ay senyales ng isang marupok na guro. Ngunit ano ba ang kinalaman nito sa paghahangad ko na maging isang guro? Ang mga hamon na ito ay lalo lamang nagpatibay sa pinaka-aasam kong magturo. Bilang nasaksihan ko na ang ganitong sitwasyon at sa mga di inaasahang panahon ay ako mismo ang gumawa ng mga eksenang kapara ng mga binigay ko na halimbawa, dapat mas alam ko kung paano ito haharapin. Napakadaling sambitin ngunit kapag ikaw na ang nasa ganoong sitwasyon, tila nagiging blangkong papel ang ating isipan na pinunan natin ng mga plano at alternatibo kamakailan lamang. Ngunit para sa akin kahit gaano pa kahalaga ang pagiging bihasa sa subject matter ay kailanman hindi nito matutumbasan ang kakayahang makisama ng isang guro-ito ang tunay na tungkulin ng isang guro na lumikha ng isang kapaligiran na sasapat upang matuklasan ng mga mag-aaral ang kanilang potensyal at maging ang kanilang mga sarili.

Kailanman ay hindi ko hahangarin na pasukin ang isang bagay kung alam kong labag ito sa aking damdamin. Oo, hindi ko kikitain ang humigit-kumulang kalahating milyon na kinikita ng isang doctor sa loob ng isang buwang serbisyo. Maaaring hindi ko mabawi ang mga nagastos ko sa pagpapakadalubhasa sa larangan ng pagtuturo. Maaari ding hindi ako makapagpundar ng mga matatawag kong ari-arian ngunit kung hindi lang din ako magiging guro o hindi ko ipagpapatuloy ito ay hindi ako makakatulog ng mahimbing sa gabi dahil alam ko na hindi ko natapos kung ano ang dapat, wala akong nagawa para matawag na organisado at mapayapa ang lipunang ginagalawan nating lahat. Dahil alam ko na ako bilang guro ay hindi lamang sapat ang karunungan sa asignaturang ituturo ko ngunit sapat din sa kagandahang asal at etika na hinubog ng pormal na edukasyon at mga naging karanasan ko.


Walang halaga ng salapi ang kayang tumbasan ang dugo, pawis, at pusong ipinundar namin mula nang pasukin namin ang programang ito.



Ako si Katrina Isabelle T. Tugas ng 1E2, limang taon ng Tomasino, nagsimula bilang EHSian at kasalukuyan nang nasa Kolehiyo ng Edukasyon, na nagsasabing kung sa murang edad ay kaya ko nang magmahal ng walang takot at pag-aalinlangan nang walang hinihintay na pagtugon, nakasisiguro ako na kaya ko din maging isang guro na kahit ano pa ang balakid na makasagupa ko sa aking landas na tatahakin ay nangangakong hindi bibitaw sa kanyang susumpaang tungkulin.








No comments:

Post a Comment