Sabi
nga ng aking lola na isang propesor sa kolehiyo, “Teaching is the mother of all
courses.” Wala ka kung walang mga guro o propesor na naggabay at tumulong sayo
upang maabot yang mga pangarap mo. Bachelor of Secondary Education talaga ang unang
programa na pinili ko. Ngunit dito sa atin kapag edukasyon ang kinuha mong
programa maririnig mo parati ang salitang “lang.” Tuwing tinatanong ako kung
anong propesyon ang aking kinukuha, ang madalas na bumabalik na sagot sa akin
ay “Magtititser ka lang?” “Ay! Yan talaga? Ayaw mo ba talaga ng ibang
propesyon?” “Educ lang?” Aaminin ko na tuwing yan ang aking naririnig, naiirita
ako. Para bang ang baba ng tingin nila sa pagtuturo at sa mga guro dito sa
Pilipinas. Iilan lamang ang mga tao na kilala ko na pumuri at natuwa na
pagtuturo ang aking piniling propesyon. Iilan lamang ata ang nakakaalam kung
gaano nga ba ka-importante ang propesyong ito sa mundo.
Noong
nasa elementarya at hayskul ako ay ‘di ko naisip maging isang titser. Marami
akong pinangarap na trabaho tulad ng abogado, architect, chef, at flight
attendant ngunit hindi sumagi sa isip ko ang pagtititser. Miski ako nagulat ng
Bachelor of Secondaary Education na ang pinili at inilagay ko sa aking
application form para sa kolehiyo. Hindi naging madali ang aking pagpili sa
propesyon na iyan. Ilang beses kong
pinagdudahan ang aking sarili kung pagtuturo
ba talaga ang propesyon na gusto ko. Ilang beses ko tinanong at sinabi sa aking
sarili “bakit ba pagtititser eh hindi ka
naman yayaman diyan?” Ilang araw akong nagdasal at nagtanong sa Diyos kung iyon
ba talaga ang daan na tatahakin ko. Dahil muntikan na ko maloka sa kaiisip
sinabi ko na sa mga magulang ko ang aking naiisip at nadarama.
Isang
gabi habang kami ay kumakain ng hapunan, nagsabi ako ng aking saloobin,
Ako:
“Ayos lang ba talaga na education ang kukunin ko?”
Itay
at Inay: “Oo naman.”
Ako:
“Eh diba mababa lang suweldo dun? Paano ako yayaman niyan?”
Itay:
“Nako Triin, wag ka nga tumingin base sa pera. Kung para sa pera ka nabubuhay,
wala kang mararating na magaanda niyan. Isipin mo kung ano ba talagang gusto
mong marating sa buhay, kung ano ba talaga ang gusto mong mapatunayan. Hindi ko
tinuro sa inyo na ibase niyo ang desisyon niyo sa pera.”
Inay:
“Bakit mo pa ba gusto yumaman? Hindi pa ba sapat kung anong meron tayo? Kung
tutuusin maswerte na tayo dahil halos lahat na satin na? Ano pa ba ang kulang?
Aanhin mo ba ang napakaraming pera?”
.
. . .
Pagkatapos ko
mabusog at marinig ang mga pangaral at homily ng aking mga magulang,
naliwanagan ako. At simula non ay isinantabi ko na ang pera sa mga ganyang uri
na mga desisyon. Nang nakapanood ako ng isang dokumentaryo tungkol sa edukasyon
dito sa Pilipinas, nalaman ko kung gaano kagipit ang Pilipinas sa mga guro.
Kaya rin naman matagal ang pag-unlad ng Pilipinas sapagkat maraming bata ang
lumalaki ng ‘di man lang nakakatungtong sa isang eskwelahan. At mas namulat ako
na kailangan ng Pilipinas ng mas maraming guro na handang magbigay ng kaalaman
sa kabataan na tinuturing na kinabukasan ng bayan. Kaya naman ipinagpatuloy ko
ang aking desisyon na kuhain ang programang iyon sa Unibersidad ng Santo Tomas.
Habang tumatagal sa College of Education sa UST ay mas naeengganyo ako na
ipagpatuloy ang progrmang ito. Isang pagkakamali na inisip ko na madali lang ang
programang ito. Nang simula ko ng makilala ang mga matitinding propesor,
marinig ang diskusyon, sagutan ang mga nakakaubos dugong mga long test, at tanggapin
ang napakarami at mahihirap na mga performance task (PeTa) ay talaga namang
nakakaloka, nakawiwindang, at nakakastress. Kailangan talaga pag-isipan ng
mabuti at paglaanan ng sandamakmak na effort ang bawat gawain. Dito ko rin natutunan
na kung gusto mo talaga magtagumpay sa buhay ay hindi eepekto ang “pwede na
mentality.” Dito sa kolehiyong ito talagang
gagawin at ibibigay nila ang lahat ng aming kailangan upang kami ay magtagumpay
sa hiaharap. Inihahanda kami kung ano ba talagang meron sa “real world.”
Oo, siguro hindi ka nga talaga yayaman sa pagtuturo. Pero hindi lamang dapat sinasabihan ng “lang” ang propesyong ito. Ayon nga sa isa naming propesor, “Ang pagtuturo ay isang propesyon. At kailanagn muna dumaan sa mahabang proseso ng pagsasanay bago matawag ang isang guro na propesyonal. Kaya walang karapatan na sabihin ng kung sino man na ‘teacher ka lang’ dahil kung wala ka wala rin sila sa kinatatayuan nila ngayon.” Mahihirap rin ang mga subject na aming inaaral at matataas ang standards ng mga propesor na kinakaharap namin kaya mas lalo akong napupush na tapusin ang programang ito. Sila mismo ang aking nagiging inspirasyon. Sila rin mismo ang nagsisilbing ilaw at nagbibigay liwanag sa akin kung bakit itong propesyon ang pinili ko. Ipinapakita nila sa amin na higit sa pera ang makukuha mo sa pagtuturo. At malaking pasasalamat rin ang ibinibigay ko sa aking mga magulang. Sapagkat kung wala sila matagal na siguro akong sumuko at tumahak na sa ibang daan. Nagpapasalamat ako sapagkat todo ang suporta at pag-intindi nila sa akin. At lahat ay ginagawa nila maabaot lang aking pangarap na hindi inaasahan.
Tatapusin ko itong
propesyon na ito. At mas lalo pang magsasanay sa hinaharap. At sa oras na
maging isang ganap na guro ako ay handa akong magsilbi at magbigay kaalaman sa
mga kabataan na pag-asa ng bayan. Gusto kong magsilbing isang magandang ehemplo
sa kabataan. Hindi man siguro ako makatatanggap ng malaking salapi ngunit ang
makakita ng isang tao na nagtagumpay sa buhay na alam mong nakapagbahagi at
nakapagambag ka sa buhay niya ay higit pa sa tuwa at saya ang aking
mararamdaman. Aanhin ko ang malaking salapi kung puro sarili lang naman ang
aking natutulungan. Anong sense ng buhay ko kung wala naman akong ibang taong
matutulungan at mapapasaya. At hanggat
may bata, nandyan ang mga guro at kaming magiging mga guro upang mag-ambag ng
kaalaman at mag-iwan ng magandang marka sa buhay nila. Kaya masasabi niyo pa ba
na “Ay! EDUC LANG?”
-Triin C. Gabriel
BSEd 1E2
No comments:
Post a Comment