Marami sa atin ang nagsasabi na ang high school ang pinaka-masaya at hindi natin malilimutang karanasan sa ating buhay. Sa iba ay masasabi nilang naging madali lang sa kanila ang high school ngunit sa kalagayan ko, ito ay apat na taon na paghihirap at apat din na taon na hirap akong pakawalan at kalimutan ang munting ala-ala. Madalas ko naranasan ang tinatawag nilang sleepless nights o walang tulugan para lang matapos ang mga requirements na kailangan ko ipasa. May mga pagkakataon na masyado na talagang maraming pinapagawa kasabay pa nito ang mga sunod sunod na quizzes at performance tasks kaya gusto na lang namin pumunta sa sulok at umiyak. Minsan ay naiinis na lang kami sa mga guro namin dahil sobra na talaga. Oo, ang OA pakinggan pero totoo. Ang hirap maging isang Theresian. Ang hirap maging isang estudyante sa St. Theresa’s College ngunit kahit lagi kaming nagrereklamo, nakakatawang isipin na ginagawa pa rin namin ang makakaya namin upang maging maayos, maganda at mahusay ang lahat ng aming gagawin at ipapasa. Sa lahat ng sinabi ko, nakakapagtaka na pinili ko pa rin ang maging isang guro lalong lalo na ang maging guro sa mataas na paaralan. Kung high school pa lang ay marami nang pinapagawa paano pa kaya kung maging isang guro na ako na ang mag-iisip ng mga kailangan ipagawa at maghihirap para lang maiwasto lahat ng pinagawa ko.
(Ito nga pala ang tinatawag ng mga guro ngayon na checkables o mga test papers na kailangan nilang iwasto)
Sa totoo lang, ito ay dahil hindi lang naman talaga paghihirap ang naranasan ko noong high school. Subalit hanggang ngayon, ito pa rin ang pinaka-masayang apat na taon sa buhay ko at hindi ko ito ipagpapalit sa kahit anong bagay. Oo, ang dami talagang pinapagawa pero dito ko nakilala ang aking sarili. Nakita ko ang aking mga kahinaan at kalakasan. Namulat ako sa iba’t ibang bagay tungkol sa aking kapwa at kapaligiran. Patuloy ko na ginagamit ang aking mga natutunan upang maging mahusay sa lahat ng aking gagawin. Masasabi ko na naging epektibo at makabuluhan lahat ng paghihirap ko dahil malaki ang naitulong nito sa kung sino ako ngayon at sa mga desisyon na aking ginawa para sa aking kinabukasan. Mas nangibabaw naman ang mga masasayang karanasan ko rito na hindi mawawala sa aking puso at isipan, kaya nga gusto ko bumalik ng high school, at higit sa lahat, dito ko nakilala ang mga mahuhusay na taong nagbigay inspirasyon sa akin upang maging desidido ako na maging guro sa hinaharap.
Napagtanto ko noong pinili ko ang kursong Education noong fourth year high school ako, na simula grade school pa lamang ako sa ibang eskwelahan ay naging malapit na talaga ako sa aking mga guro. Siguro isa na rin dito ay dahil guro rin ang aking ina kaya naman kilala talaga ako ng mga guro ko noon. Tinuturing ko talaga na mga magulang, kapamilya o matalik na kaibigan ang aking mga guro at isa sila sa mga taong hinahangaan ko dahil sa angking galing at talino nila at lalong lalo na ang mga mabubuting katangian nila sa kanilang estudyante, katrabaho at kapwa. Hindi lahat ng guro natin ay pare-parehas kaya naman mahirap din para sa akin na pumili ng isa lamang na guro na nagbigay inspirasyon sa akin ngunit masasabi ko na karamihan ng aking mga guro noong high school ang nagsilbing inspirasyon ko. Isa na dito ay ang guro ko sa Religion noong ikalawang taon na si Ginoong Andy Naig.
Si Ginoong Naig ay ang guro ko na medyo may edad na ngunit mahilig siya kumanta at mag-gitara ng mga kanta para sa ating Panginoon. Nasisiyahan ako dahil tulad niya, musically inclined din ako kaya naman gusto ko rin na tumugtog sa harap ng klase ko para maging mas masaya at epektibo ang pagtuturo ko sa kanila. Si Ginoong Naig din ay isang guro na maituturing ko na tatay o lolo ko at maaasahan ko na palagi niya akong pangingitiin dahil sa kanyang personalidad. Hinahangaan ko si Ginoong Naig sa pag pupursigi niya maging guro at ama kahit marami na siyang pinagdaanan sa buhay tulad na lamang ng isang sakit na kanyang dinanas na naging sanhi ng paghihirap niya sa paglalakad. Mahirap man ito sa kanya, hindi ito naging hadlang upang ipagpatuloy niya ang kanyang pagmamahal sa pagtuturo.
Pangalawa ay ang aking adviser noong ikalawang taon na si Bb. Pauline Alvarez. Isa si Bb. Alvarez sa mga guro ko na Tomasino rin tulad ko. Sa kanya ko nakikita ang aking sarili sa hinaharap habang ako’y baguhan pa lamang sa pagtuturo. Hindi siya masyadong strikto o kj. Siya yung tipo ng guro na makaka-relate ka talaga lalo na dahil halos magkalapit lang naman ang edad ninyo kung estudyante ka niya. Kasing ayos at ganda niya ang mga katangian na mayroon siya. Naalala ko noong mahiyain pa ako ay patuloy niya akong binibigyan ng dahilan upang magtiwala sa aking sarili. Naniwala siya sa kakayahan ko lalo na ang pagiging isang pinuno at alam ko na hindi lang ako ang estudyante na tinuring niya na ganoon kaya naman mahal na mahal siya ng kanyang mga naging estudyante.
May isa naman akong guro noong unang taon na hanggang ngayon ay patuloy na nagiging mas malapit kami sa isa’t isa. Tulad ng iba ko pang guro, siya ay nagtapos din ng BSE sa Unibersidad ng Santo Tomas. Hinangaan ko siya hindi dahil sa siya ang crush ng bayan sa eskewalahan ko noon, kung hindi ay sa husay niya magturo at ang magandang relasyon niya sa kanyang mga estudyante. Parang parehas lang ito sa iba ko pang guro ngunit iba ito para sa akin dahil hindi lang guro at estudyante ang relasyon naming kung hindi ay ama at anak din. Siya ang guro ko sa Religion at madalas nagiging malapit talaga ako sa mga guro ko sa paborito kong asignatura. Habang tumagal, nasanay na rin ako na tawagin siyang “tatay” at siya naman ay “bunso.” Siya ang guro ko na hindi ko makakalimutan dahil tinuturing talaga namin bilang kapamilya ang isa’t isa. Tulad niya, gusto ko rin na maging katulad niya. Ngayon ay propesor na siya sa UST at parati niyang nababanggit ang paghanga sa kanya ng mga estudyante niya dahil kahit madalas na nasasabing boring ang Theology, sinasabi nila na nasisiyahan sila palagi tuwing klase niya. Tama sila dahil magaling nga si tatay magpaliwanag ng kanyang mga tinuturo lalo na kung mahahalintulad talaga ito sa pang araw araw natin na karanasan lalo na ay Theology ang kanyang tinuturo. Mabait siya na guro. May konsiderasyon at pakialam siya kung alam niyang nahihirapan ka na. Gagawin niya na mas madali ang mga gawain ngunit kailangan pa rin ibigay ang makakaya mo sa kanyang mga pinapagawa. Si Ginoong Mark ay maaasahan mo na palagi siyang nandiyan upang makinig sa iyong mga problema at pipilitin niya na magbigay ng mga payo para maging maayos ang problema mo.
Nabanggit ko na guro rin ang aking ina. Sa dami ng aking nabanggit na guro noong high school, mas nakita ko naman sa ina ko kung ano talaga ang mararanasan ko pag ako ay guro na. Kilala ang aking ina bilang terror na guro sa Matematika. Hindi ko man gusto maging ganoon, gusto ko naman na tumatak din ako sa aking mga estudyante na kahit siya ay retired na ngayon, hindi siya nakakalimutan ng kanyang mga estudyante. Maraming humahanga sa aking ina dahil sa kanyang galing sa pagtuturo, pagiging ina sa kanyang mga estudyante at syempre, ang nag-iisang nagpupursigido para alagaan ang kanyang dalawang anak. Pinakita niya rin na kahit guro siya, kaya niya pa rin itaguyod ang kanyang pamilya. Nakita ko man sa kanya ang ibang mga bagay na dapat hindi ko gawin bilang guro sa hinaharap tulad ng pagiging mainitin ang ulo, strikto at iba pa, nakita ko rin naman ang magagandang katangian niya na alam kong mas makakapagpabuti sa aking bilang isang guro na maaaring maging dahilan kung bakit maaalala ako ng aking mga estudyante kahit sila man ay tumanda na.
Ito ang dahilan kung bakit masasabi ko na ako ay isang taong sentimental dahil sa apat na taon ko sa St. Theresa's College at pilit ko na sinasabi noon na “gusto ko na talaga mag-graduate please,” naging mahirap sa akin pakawalan ang masasayang karanasan ko noon kaya napalitan na ito ngayon ng, “sobrang saya ng high school kaya gusto ko bumalik ulit ngunit bilang isang guro na upang magbigay inspirasyon din katulad ng naging mga guro ko noon.” Naging malaking bahagi sa buhay ko ang aking mga guro. Nakita ko na kailangan pa magkaroon ng mga tulad nila lalo na para sa mga estudyanteng hindi naman kasing talino at galing ng iba. Kailangan pa natin ng mga guro na mapagpasensiya at maipapakita talaga na mahal nila ang kanilang trabaho at mga estudyante kaya naman gusto ko rin maging tulad nila. Nagpapasalamat ako sa lahat ng mga guro na aking nakilala sa aking buhay dahil pinakita nila na hindi "lang" ang pagiging isang guro. Ang mga tao na mabibigyan ko ng inspirasyon at iba't ibang karanasan ko bilang guro ay hindi mapapalitan ng kahit anong bagay. Bahagi ng buhay natin ang mahirapan o masaktan at handa ako bumalik sa high school upang magturo dahil kahit mahirap man maging isang guro at maaaring maging masakit ang ibang karanasan ko, hindi mapapalitan ng kahit ano ang saya na maaaring mararanasan ko at mga estudyanteng makakasalamuha ko pag ako’y guro na sa hinaharap.
Clare Ilagan – 1E2