Thursday, March 17, 2016

Ang Aking Inspirasyong Guro

“Bb. Olayres”
Ang aking inspirasyong guro





Isa sa mga dahilan kung bakit ako kumuha ng programang edukasyon ay dahil nainspirasyonan ako ng aking guro. Si Bb. Olayres ay ang aking paboritong guro sa pagkat tuwing siya ay nagtuturo ay lubos akong natututo at nagaganahang mag-aral. Ang kanyang tinurong agham ay Engles. Sa kanya akong lubos na natuto mag-engles at napalawak ko rin ang aking kakayahang mag-engles sa pagkat ako’y lagi niyang tinutulungan matuto.


Ang kanyang estilo ng pagtuturo ay nakakaaliw at nakakaakit ng pansin sa pagkat tuwing siya ay nagtuturo, palagi siyang masaya at nakangiti. Hindi rin nawawala ang kanyang mga biro tuwing siya ay nagtuturo. Ni minsan ay hindi namin siyang nasaksihang magalit at sumigaw dahil ang gurong ito ay napakamahinahon sa mga sitwasyong tulad nito. Tuwing nag-iingay ang klase ay kaya niya itong patahimikin sa kanyang sariling pamaraan. Ang kanyang ginagawa ay tatahimik o ititigal niya panandali ang kanyang leksyon at kami naman mga estudante ay matatauhan na maingay na pala kami at tatahimik na rin kami upang maituloy ni binibini ang kanyang lekson.

Di bukal sa kaalaman ng mga iba kong kaklase na ang binibini ay may mga tinatagong sekreto. Isa ay tungkol sa kanyang buhay pag-ibig. Tanging mga bilang na estudante lamang ang pinagsabihan ni binibini tungkol sa kanyang sekreto. Sa loob ng paaralan ay meron na siyang kasintahan. At ang pangalawa niyang sekreto ay may kinalaman sa kanyang kalusugan. Nakakalungkot man isipin na ang mga magagaling na guro pa ay ang may mga tinatagong malulubhang sekreto. Nang malaman ko ang kanyang kalagayan, naintindihan ko na kung bakit siya masayahin, palaging nakangiti, hindi nagagalit at mahinahon parati. Ito ay para rin sa kanya ikabubuti upang hindi na siya mas lalong maaskseto.

Sa huli, para sa akin, ang pinakamagaling ko naging guro ay si binibining Olayres. Siya ang aking pinakamalapit na naging kaibigang guro. Hinding hindi ko malilimutan ang aking mga naging karanasan at natutunan sa kanya. Hanggang sa muling pagkikita, binibining Olayres.


1E2


Monday, February 29, 2016

Ang Aking Mga Naging Inspirasyon




Marami sa atin ang nagsasabi na ang high school ang pinaka-masaya at hindi natin malilimutang karanasan sa ating buhay. Sa iba ay masasabi nilang naging madali lang sa kanila ang high school ngunit sa kalagayan ko, ito ay apat na taon na paghihirap at apat din na taon na hirap akong pakawalan at kalimutan ang munting ala-ala. Madalas ko naranasan ang tinatawag nilang sleepless nights o walang tulugan para lang matapos ang mga requirements na kailangan ko ipasa. May mga pagkakataon na masyado na talagang maraming pinapagawa kasabay pa nito ang mga sunod sunod na quizzes at performance tasks kaya gusto na lang namin pumunta sa sulok at umiyak. Minsan ay naiinis na lang kami sa mga guro namin dahil sobra na talaga. Oo, ang OA pakinggan pero totoo. Ang hirap maging isang Theresian. Ang hirap maging isang estudyante sa St. Theresa’s College ngunit kahit lagi kaming nagrereklamo, nakakatawang isipin na ginagawa pa rin namin ang makakaya namin upang maging maayos, maganda at mahusay ang lahat ng aming gagawin at ipapasa. Sa lahat ng sinabi ko, nakakapagtaka na pinili ko pa rin ang maging isang guro lalong lalo na ang maging guro sa mataas na paaralan.  Kung high school pa lang ay marami nang pinapagawa paano pa kaya kung maging isang guro na ako na ang mag-iisip ng mga kailangan ipagawa at maghihirap para lang maiwasto lahat ng pinagawa ko.


(Ito nga pala ang tinatawag ng mga guro ngayon na checkables o mga test papers na kailangan nilang iwasto)
Sa totoo lang, ito ay dahil hindi lang naman talaga paghihirap ang naranasan ko noong high school. Subalit hanggang ngayon, ito pa rin ang pinaka-masayang apat na taon sa buhay ko at hindi ko ito ipagpapalit sa kahit anong bagay. Oo, ang dami talagang pinapagawa pero dito ko nakilala ang aking sarili. Nakita ko ang aking mga kahinaan at kalakasan. Namulat ako sa iba’t ibang bagay tungkol sa aking kapwa at kapaligiran. Patuloy ko na ginagamit ang aking mga natutunan upang maging mahusay sa lahat ng aking gagawin. Masasabi ko na naging epektibo at makabuluhan lahat ng paghihirap ko dahil malaki ang naitulong nito sa kung sino ako ngayon at sa mga desisyon na aking ginawa para sa aking kinabukasan. Mas nangibabaw naman ang mga masasayang karanasan ko rito na hindi mawawala sa aking puso at isipan, kaya nga gusto ko bumalik ng high school, at higit sa lahat, dito ko nakilala ang mga mahuhusay na taong nagbigay inspirasyon sa akin upang maging desidido ako na maging guro sa hinaharap.

Napagtanto ko noong pinili ko ang kursong Education noong fourth year high school ako, na simula grade school pa lamang ako sa ibang eskwelahan ay naging malapit na talaga ako sa aking mga guro. Siguro isa na rin dito ay dahil guro rin ang aking ina kaya naman kilala talaga ako ng mga guro ko noon. Tinuturing ko talaga na mga magulang, kapamilya o matalik na kaibigan ang aking mga guro at isa sila sa mga taong hinahangaan ko dahil sa angking galing at talino nila at lalong lalo na ang mga mabubuting katangian nila sa kanilang estudyante, katrabaho at kapwa. Hindi lahat ng guro natin ay pare-parehas kaya naman mahirap din para sa akin na pumili ng isa lamang na guro na nagbigay inspirasyon sa akin ngunit masasabi ko na karamihan ng aking mga guro noong high school ang nagsilbing inspirasyon ko. Isa na dito ay ang guro ko sa Religion noong ikalawang taon na si Ginoong Andy Naig. 


Si Ginoong Naig ay ang guro ko na medyo may edad na ngunit mahilig siya kumanta at mag-gitara ng mga kanta para sa ating Panginoon. Nasisiyahan ako dahil tulad niya, musically inclined din ako kaya naman gusto ko rin na tumugtog sa harap ng klase ko para maging mas masaya at epektibo ang pagtuturo ko sa kanila. Si Ginoong Naig din ay isang guro na maituturing ko na tatay o lolo ko at maaasahan ko na palagi niya akong pangingitiin dahil sa kanyang personalidad. Hinahangaan ko si Ginoong Naig sa pag pupursigi niya maging guro at ama kahit marami na siyang pinagdaanan sa buhay tulad na lamang ng isang sakit na kanyang dinanas na naging sanhi ng paghihirap niya sa paglalakad. Mahirap man ito sa kanya, hindi ito naging hadlang upang ipagpatuloy niya ang kanyang pagmamahal sa pagtuturo.




Pangalawa ay ang aking adviser noong ikalawang taon na si Bb. Pauline Alvarez. Isa si Bb. Alvarez sa mga guro ko na Tomasino rin tulad ko. Sa kanya ko nakikita ang aking sarili sa hinaharap habang ako’y baguhan pa lamang sa pagtuturo. Hindi siya masyadong strikto o kj. Siya yung tipo ng guro na makaka-relate ka talaga lalo na dahil halos magkalapit lang naman ang edad ninyo kung estudyante ka niya. Kasing ayos at ganda niya ang mga katangian na mayroon siya. Naalala ko noong mahiyain pa ako ay patuloy niya akong binibigyan ng dahilan upang magtiwala sa aking sarili. Naniwala siya sa kakayahan ko lalo na ang pagiging isang pinuno at alam ko na hindi lang ako ang estudyante na tinuring niya na ganoon kaya naman mahal na mahal siya ng kanyang mga naging estudyante.




May isa naman akong guro noong unang taon na hanggang ngayon ay patuloy na nagiging mas malapit kami sa isa’t isa. Tulad ng iba ko pang guro, siya ay nagtapos din ng BSE sa Unibersidad ng Santo Tomas. Hinangaan ko siya hindi dahil sa siya ang crush ng bayan sa eskewalahan ko noon, kung hindi ay sa husay niya magturo at ang magandang relasyon niya sa kanyang mga estudyante. Parang parehas lang ito sa iba ko pang guro ngunit iba ito para sa akin dahil hindi lang guro at estudyante ang relasyon naming kung hindi ay ama at anak din. Siya ang guro ko sa Religion at madalas nagiging malapit talaga ako sa mga guro ko sa paborito kong asignatura. Habang tumagal, nasanay na rin ako na tawagin siyang “tatay” at siya naman ay “bunso.” Siya ang guro ko na hindi ko makakalimutan dahil tinuturing talaga namin bilang kapamilya ang isa’t isa. Tulad niya, gusto ko rin na maging katulad niya. Ngayon ay propesor na siya sa UST at parati niyang nababanggit ang paghanga sa kanya ng mga estudyante niya dahil kahit madalas na nasasabing boring ang Theology, sinasabi nila na nasisiyahan sila palagi tuwing klase niya. Tama sila dahil magaling nga si tatay magpaliwanag ng kanyang mga tinuturo lalo na kung mahahalintulad talaga ito sa pang araw araw natin na karanasan lalo na ay Theology ang kanyang tinuturo. Mabait siya na guro. May konsiderasyon at pakialam siya kung alam niyang nahihirapan ka na. Gagawin niya na mas madali ang mga gawain ngunit kailangan pa rin ibigay ang makakaya mo sa kanyang mga pinapagawa. Si Ginoong Mark ay maaasahan mo na palagi siyang nandiyan upang makinig sa iyong mga problema at pipilitin niya na magbigay ng mga payo para maging maayos ang problema mo.


Nabanggit ko na guro rin ang aking ina. Sa dami ng aking nabanggit na guro noong high school, mas nakita ko naman sa ina ko kung ano talaga ang mararanasan ko pag ako ay  guro na. Kilala ang aking ina bilang terror  na guro sa Matematika. Hindi ko man gusto maging ganoon, gusto ko naman na tumatak din ako sa aking mga estudyante na kahit siya ay retired  na ngayon, hindi siya nakakalimutan ng kanyang mga estudyante. Maraming humahanga sa aking ina dahil sa kanyang galing sa pagtuturo, pagiging ina sa kanyang mga estudyante at syempre, ang nag-iisang nagpupursigido para alagaan ang kanyang dalawang anak. Pinakita niya rin na kahit guro siya, kaya niya pa rin itaguyod ang kanyang pamilya. Nakita ko man sa kanya ang ibang mga bagay na dapat hindi ko gawin bilang guro sa hinaharap tulad ng pagiging mainitin ang ulo, strikto at iba pa, nakita ko rin naman ang magagandang katangian niya na alam kong mas makakapagpabuti sa aking bilang isang guro na maaaring maging dahilan kung bakit maaalala ako ng aking mga estudyante kahit sila man ay tumanda na.


Ito  ang dahilan kung bakit masasabi ko na ako ay isang taong sentimental dahil sa apat na taon ko sa St. Theresa's College at pilit ko na sinasabi noon na “gusto ko na talaga mag-graduate please,” naging mahirap sa akin pakawalan ang masasayang karanasan ko noon kaya napalitan na ito ngayon ng, “sobrang saya ng high school kaya gusto ko bumalik ulit ngunit bilang isang guro na upang magbigay inspirasyon din katulad ng naging mga guro ko noon.” Naging malaking bahagi sa buhay ko ang aking mga guro. Nakita ko na kailangan pa magkaroon ng mga tulad nila lalo na para sa mga estudyanteng hindi naman kasing talino at galing ng iba. Kailangan pa natin ng mga guro na mapagpasensiya at maipapakita talaga na mahal nila ang kanilang trabaho at mga estudyante kaya naman gusto ko rin maging tulad nila. Nagpapasalamat ako sa lahat ng mga guro na aking nakilala sa aking buhay dahil pinakita nila na hindi "lang" ang pagiging isang guro. Ang mga tao na mabibigyan ko ng inspirasyon at iba't ibang karanasan ko bilang guro ay hindi mapapalitan ng kahit anong bagay. Bahagi ng buhay natin ang mahirapan o masaktan at handa ako bumalik sa high school upang magturo dahil kahit mahirap man maging isang guro at maaaring maging masakit ang ibang karanasan ko, hindi mapapalitan ng kahit ano ang saya na maaaring mararanasan ko at mga estudyanteng makakasalamuha ko pag ako’y guro na sa hinaharap.


Clare Ilagan – 1E2

Ang Pagiging Guro: Isang Bokasyon at Propesyon.



Bakit? Ano ba ang meron sa pagiging guro?





Bakit nga ba ang propesyon bilang isang Guro?

Hindi ko maiwasang mapansin, pero karamihan sa mga taong nagsasalita tungkol sa propesyong pagtuturo ay palaging ikinakabit ang salitang ‘lang.’ Hindi ba’t parang nakaksawang pakinggan at nakakababa ng kalooban sa ‘twing nakaririnig ng ganyan? Ang iba naman, kahit hindi ikabit ang salitang ‘lang’, makikita mo ang pagngiwi ng mukha nila matapos malaman ang gusto mong maging trabaho.



Masama ba ang propesyong ito? Bakit nga ba ganito ang naging pananaw ng karamihan sa mga tao? Ngunit kahit na ano ang isipin ng iba, itong propesyon parin ang napili ko at ipagpapatuloy ko ito.


Totoo, ang pagtuturo ay hindi ko ikayayaman at sobrang matrabaho ang propesyon na ito. Siguro pinagtataka ng ibang tao kung bakit pinapahirapan ko ang sarili ko sa propesyong hindi naman magdudulot sa akin ng kayamanan at madaling pamumuhay. Ang masasabi ko lamang ay, ang pagtuturo ay nagpapasaya sa akin.





Naranasan niyo na bang maging masaya dahil may natulungan ka, na para bang ang nagawa mo ay isang napaka gandang bagay at hindi mo matiis na ipagmalaki mo ang sarili mo dahil sa nagawa mo? Ganun ang pakiramdam ko sa propesyong napili ko.

Noong una, gusto kong maging isang nurse dahil maayos at malinis tignan ang mga nurse, siguro dahil bata pa ako kung kaya’t mababaw ang dahilan kung bakit nagustuhan ko ang propesyong iyon. Nang lumipas ang panahon, naging blanko ang isip ko kung ano talaga ang gusto kong maging propesyon. Marahil dahil lumawak ang isipan ko kaya’t hindi na ako makapag pili sa nararapat na propesyon para sa akin.

Hanggat isang araw, hindi man kapanipaniwalang pakinggan, bigla ko nalang naramdaman ang pagnanais kong maging isang hamak na guro. Para sa akin, isang malaking tanda na ito ang pinili na propesyon ng Diyos para sa akin, sino ba naman ako para tanggihan ang plano ng Diyos para sa akin diba?






Higit pa sa dahilang una kong nabanggit, masasabi kong may pagsinta talaga ako sa pagtuturo. Noong nasa hayskul pa lamang ako, isa ako sa mga matatalinong estudyante kung kaya’t hilig kong tulungan ang mga kaklase ko sa mga gawain nila. May pinaniniwalaan ako, ang kasabihang, “You have to teach the men how to catch a fish, not give them a fish.” Dahil sa paniniwala ko sa kasabihang yan, nakatatak sa utak ko na kailangan kong turuan kung paano sagutin ang mga bagay-bagay at hindi lamang ibigay ang sagot dahil ikabubuti din ng tinuturuan ko kung matutunan niyang gawin ang nasabing gawaing akademiko. Habang tinurturuan ko sila, aaminin ko, hindi naging madali dahil minsan kakailanganin ng mas higit pang oras at pasensya sa pagtuturo pero matapos mong magturo at nakita mo na natuto yung tinuruan mo, ang sarap sa pakiramdam na isa ka sa mga rason kung bakit na debelop ang taong iyon.

Ako ay isang instrument ng Panginoon at buong puso kong tinatanggap ang hamon bilang maging isang guro. Ang misyon natin ay tulungan ang isa’t isa kung kaya’t iaalay ko ang buhay ko sa pagtutulong at paghuhulma sa mga bubuo ng magandang kinabukasan, ang mga kabataan. 



Shamaiah Tangpuz - 1E2




Ang pangarap na hinulma ng EHS at mga PSTs


Ang pangarap na hinulma ng EHS at mga PSTs
Bakit Pagtititser?

“Practice teacher lang ‘yan!”, “Ginagawa lang kayong training ground.”, “Wala pa silang napapatunayan.”, Hindi pa sila lisensyado, baka mamaya di pa yan makapag-martsa sa graduation.”. Sawang sawa na akong makarinig ng mga katagang katulad nito na tila hinahamak ang kakayahan ng aking mga naging guro sa Education High School. Bilang alumni ng laboratory school na ito, aminado ako na ang aking Alma Mater ay binubuo ng mga 4th Year BSE students o mas kilala bilang “Pre-Service Teachers” na hinubog ng Unibersidad ng Santo Tomas sa loob ng tatlong taong pananatili nila dito.


Bakit pagtititser? Hanggang sa kasalukuyan paulit ulit ko itinatanong ito sa aking sarili ngunit isang bagay ang siguradong sigurado ako, nakatitiyak ako na isa sa mga naging daan upang tahakin ko ang landas ng pagiging isang guro ay ang Education High School. Ang mga taong tinutukoy sa mga pangbabatikos na naririnig ko ay higit pa sa ‘lang’ at matagal na nila itong napatunayan, pinapatunayan at ipagpapatuloy ko ang kanilang simulain. Sa mga susunod na taon ay alam kong mararanasan ko rin ang mga naranasan nila. Muli ako ay makakatungtong sa platform ng EHS, ngunit hindi sa kadahilanang ako ay muling mauupo sa mga armchair bilang mag-aaral, ngunit ako ay tatayo sa harap ng mga EHSian at gagampanan ang tungkulin ng isang tunay kahit di pa man lisensyadong guro hindi lang para magantimpalaan ng matataas na marka sa aking practicum ngunit dahil ito ako, bawat silakbo ng puso ko at pag-ikot ng mundo ay alam kong dito lang ako tunay na magiging maligaya.


Hindi lahat ng mag-aaral ay parepareho ng estillo sa pagkatuto. May mga pagkakataon na maaaring makatagpo ako ng isang mag-aaral na ubod ng talino, na halos alam na ang sagot kahit sa mismong katanungang ibinibigay sayo para iyong sagutin, ngunit sa kanilang pagtatanong ay may kalakip iyong hangarin na magkamali ka nang sa gayon ay maging paksa ka ng panlilibak at pangungutya. Mayroon naman mga estudyante na kahit na wala naman silang nagawa sayo ngunit parang napakainit ng dugo mo sa kanila sa di malamang kadahilanan. Mayroon naman estudyante na hindi makasabay sa daloy ng klase o mas kilala bilang “black sheep” ng klase na kahit anong gawin mo na “spoonfeeding” sy hindi pa rin epektibo. Sa mga pagkakataong ito, maaaring gusto mo na lang sumabog, umiyak at maglaho na parang bula ngunit ang mga ito ay senyales ng isang marupok na guro. Ngunit ano ba ang kinalaman nito sa paghahangad ko na maging isang guro? Ang mga hamon na ito ay lalo lamang nagpatibay sa pinaka-aasam kong magturo. Bilang nasaksihan ko na ang ganitong sitwasyon at sa mga di inaasahang panahon ay ako mismo ang gumawa ng mga eksenang kapara ng mga binigay ko na halimbawa, dapat mas alam ko kung paano ito haharapin. Napakadaling sambitin ngunit kapag ikaw na ang nasa ganoong sitwasyon, tila nagiging blangkong papel ang ating isipan na pinunan natin ng mga plano at alternatibo kamakailan lamang. Ngunit para sa akin kahit gaano pa kahalaga ang pagiging bihasa sa subject matter ay kailanman hindi nito matutumbasan ang kakayahang makisama ng isang guro-ito ang tunay na tungkulin ng isang guro na lumikha ng isang kapaligiran na sasapat upang matuklasan ng mga mag-aaral ang kanilang potensyal at maging ang kanilang mga sarili.

Kailanman ay hindi ko hahangarin na pasukin ang isang bagay kung alam kong labag ito sa aking damdamin. Oo, hindi ko kikitain ang humigit-kumulang kalahating milyon na kinikita ng isang doctor sa loob ng isang buwang serbisyo. Maaaring hindi ko mabawi ang mga nagastos ko sa pagpapakadalubhasa sa larangan ng pagtuturo. Maaari ding hindi ako makapagpundar ng mga matatawag kong ari-arian ngunit kung hindi lang din ako magiging guro o hindi ko ipagpapatuloy ito ay hindi ako makakatulog ng mahimbing sa gabi dahil alam ko na hindi ko natapos kung ano ang dapat, wala akong nagawa para matawag na organisado at mapayapa ang lipunang ginagalawan nating lahat. Dahil alam ko na ako bilang guro ay hindi lamang sapat ang karunungan sa asignaturang ituturo ko ngunit sapat din sa kagandahang asal at etika na hinubog ng pormal na edukasyon at mga naging karanasan ko.


Walang halaga ng salapi ang kayang tumbasan ang dugo, pawis, at pusong ipinundar namin mula nang pasukin namin ang programang ito.



Ako si Katrina Isabelle T. Tugas ng 1E2, limang taon ng Tomasino, nagsimula bilang EHSian at kasalukuyan nang nasa Kolehiyo ng Edukasyon, na nagsasabing kung sa murang edad ay kaya ko nang magmahal ng walang takot at pag-aalinlangan nang walang hinihintay na pagtugon, nakasisiguro ako na kaya ko din maging isang guro na kahit ano pa ang balakid na makasagupa ko sa aking landas na tatahakin ay nangangakong hindi bibitaw sa kanyang susumpaang tungkulin.








Ang aking Ideal na Eskwelahan



KAYLANGAN BA TALAGA NATING PUMASOK SA SCHOOL?

KAYLANGAN BA TALAGA NATING PUMASOK SA SCHOOL?

Isang tanong na maaaring natanong na natin sa sarili natin noon o di kaya’y tinatanong parin natin sa sarili natin ngayon. Bakit ba kasi natin kaylangan  pumunta sa mga klase, magbayad para matuto, bumili ng mga uniporme, at kung ano ano pang mga kaylangan gawin, bilhin o sundin.

Ikaw, bakit ka ba nasa eskwela ngayon? Gusto mo ba talaga, o napipilitan ka lang? Napipilitan ka dahil sa mga expectations ng magulang mo? Sa mga trabaho na gusto mong makuha sa hinaharap? Sa pride mo sa sarili mo na kahit alam mong hindi angkop para sayo ang pinagaaralan mo ay nagpapakadalubhasa ka parin sa kakaaral?

Kung ang sagot mo sa ilan sa mga  tanong na iyan ay puro “di ko alam”, “oo”, “siguro”, o “ayoko”, katulad mong mag-isip ang mga estudyanteng tumigil sa kanilang pagaaral.

Ano nga ba ang mga dahilan kung bakit ang isang estudyante ay pinipiling ‘wag na mag-aral? Ayon sa statistics, marami itong dahilan. Tignan na lamang ang table sa ibaba:

 


Marami ding iba pang dahilan bukod sa nakasaad sa table sa itaas. Isa sa mga dahilang ito ay may mga pagkakataon na ang pageeskwela ay nakakaudlot o nakakahadlang sa tunay na pagkatuto o tuluyang pamumulaklak ng isang tao.

Tignan nalang natin si Albert Einstein bilang isang ehemplo. Noong siya’y nasa eskwelahan ay mukha siyang chupol sa mata ng kaniyang mga kaklase at ng ibang guro. Ngunit noong siya’y kumawala sa puder ng mga alimasag, siya’y biglang namulaklak at tuluyang lumago lalo ang kaniyang mga kaalaman tungkol sa mga bagay bagay.


Isa pa sa mga dahilan ng pagddrop out ng mga estudyante ay hindi talaga para sa kanila ang pageeskwela, maaaring mayroon silang personal na tawag galing sa Panginoon sa kung ano man ang kanilang mga “gifts” o di kaya’y mayroon silang sariling mga interes. Dito na papasok ang tinatawag nating “Multiple Intelligence” na di porket hindi na nageeskwela ang isang bata ay ibig sabihin nito ay hindi na siya matalino. Lahat ng tao ay may kaniya kaniyang taglay na uri ng katalinuhan.

 

Si Ellen De Generes, Oprah Winfrey, Bill Gates, at Mark Zuckerberg ay ilan lamang sa mga taong namumuhay ngayon ng masagana kahit hindi sila nagtapos ng pagaaral.

Maaaring sa puntong ito ay nabbore ka na magbasa jan at maiisip mo, ANO BANG POINT KO BAKIT KO TO SINUSULAT?

Una, nais kong maparating sa mga taong mababa ang tingin sa mga “drop outs” na mali kanilang iniisip. Maraming mga nakapagtapos ng pagaaral ngunit wala din namang silbi ang kanilang pinagaralan. Nagsayang lang sila ng pera at pagod. Oo, marami ding mga “drop outs” na walang nangyari sa buhay nila kundi naging oabigat lamang sila sa tao sa paligid nila. Sinasabi ko lang dito na, wag niyong itulad ang isang tao sa lahat. Iba iba ang mga tao at matuto tayong wag manghusga.

 

Panghuli, gusto kong makapagbigay ng inspirasyon sa mga tao na “nasasakal” na sa mga patakaran ng eskwelahan. Sa mga taong mababa ang tingin sa sarili dahil hindi sila magaling sa math, english o history ngunit may tinataglay na angking galing sa paggawa ng musika, pagpipinta, paglalaro ng isports at marami pang iba. Wag kayo mag-alala dahil hindi kayo nirerepresenta ng mga grado niyo sa eskwela. Magpatuloy lang kayo sa pakikipagsapalaran sa hirap upang matamo niyo ang tunay na kalayaan at kasiyahan na inyong pinapangarap.

 

Ngayon na patapos na ako sa punto ko, sasagutin ko na ang tanong ko kanina. Kaylangan ba talaga naging pumasok sa school?

Ang sagot ay simple lang, maganda na pumapasok ka sa ekwelahan, ngunit kung ang pageeskwela ang nakakahadlang sayo para maging best na ikaw, edi hindi mo kaylangan mageskwela dahil hindi ito para saiyo.


Hi sir (o kung sino pa nagbasa ng blog entry ko) natutuwa po ako at tinapos mo po ito. Hehe. Salamat po.


LILAC JERRIKA CATOLICO

1E2

Bakit ka nag Educ?

Bakit nga ba pagtuturo ang napili kong propesyon?


Ang kahirapan sa ating bansa ay hindi maikakaila at maitatago. Ito na ang naging mukha ng ating republika. Nagamit na ito ng maraming politiko at mayayamang kapitalista para sa pang sarili nilang dahilan, ngunit hindi ito nagsilbing leksyon sa ating mga mamamayan. Marahil, dahilan ito ng kamangmangan sa ating hanay.

Noong 2003, may pagaaral na nag sabi na mayroong 5 milyong Pilipino ang hindi nakaka-basa at nakakasulat na may edad na 10 hanggang 65. Bahagya man itong nabawasan noong 2009, bumaba naman ang antas ng mga kabataan na nakakatapos ng pagaaral mula 71% hanggang 64%. Hindi malinaw ang dahilan ng statistikong ito. Ngunit kahirapan ang itinuturo ng marami. Ang mga magulang na hindi nakatapos at hindi makahanap ng magandang trabaho ay nawawalan ng kakayahan na pag aralin ang kanilang mga anak. Wala rin maitulong dito ang ating pamahalaan na pinamumunuan ng mga politiko na karamihan ay nasa posisyon dahil sa pagsasamantala sa kahirapan at kamangmangan ng mga tao. Isama na rin natin dito ang  kakulangan ng dekalidad na mga guro na may malasakit sa ating bayan.

Bagamat dumadami ang bilang ng mga guro sa ating bansa taon-taon, malaki parin ang kakulangan nito. Sa kasalukuyan, ang teacher-pupil ratio sa ating bansa ay nasa 1:36 na nagkakaroon ng halos 55 estudyante sa isang klase sa mga pampublikong eskwelahan. Malayong malayo sa 1:14 ng Amerika o 1:17 ng Japan. Mga bansa na di hamak na mas mayaman kaysa satin.

Ilan na lamang sa ating bansa ang nagkakaroon ng pribilehiyo na makapag-aral at makapagtapos. Ibinigay ito sa akin at ITO ang pinaka malaking dahilan upang tumulong ako sa aking inang bayan. Nais kong maibalik at balang araw ay maipamahagi sa mas nakababatang henerasyon ang aral at asal na nararapat sa ating mga Pilipino. Pangarap ko ang isang maunlad at tinitingalang Pilipinas, ito na marahil ang magiging pinka-malaki kong ambag para sa katuparan nito.

Ang impluwensya ng aking mga guro noong ako ay nasa elementary at high school ay isa rin sa mga dahilan upang ituloy ko ang pagiging isang guro. Ang pagbibigay nila ng pagmamahal sa kanilang propesyon ay isang bagay na nais ko ding maibigay at maiparamdam sa iba, pag dating ng panahon.


Ang edukasyon ay sagot sa kahirapan, ito ang perspektibo ng ating lipunan. Hindi natin maitatanggi ang katotohanan sa pahayag na ito, kaya naman isinusulong ng mga magulang sa pamilya ang edukasyon ng mga anak at hindi iba dito ang aking mga magulang. Gagawin nila ang kanilang makakaya upang matupad ko ang aking pangarap na balang araw ay makapag hubog ng mga lider sa hinaharap. Ang aking mga magulang ay ang tunay kong mga inspirasyon. Ang kanilang walang pasubaling pagibig para sa akin ay nagsisilbing apoy upang magpatuloy ang aking laban sa buhay. Utang ko man sa kanila ang lahat, wala silang inaantay na kapalit kundi maibahagi ko din sa iba ang aking kaalaman.



Cristel Jaye A. Diaz
1E2