ANGELICA BERNICE F. BONOAN
Mga estudyante na natutulog sa klase dahil sa kabagutan na
dulot ng guro na walang alam gawin kung hindi basahin ang nakasulat sa “projector”.
Mga estudyante na may kinikimkim na sama ng loob sa guro na nagpahiya sa kanila
sa klase. Ilan lamang ang mga ito sa dahilan kung bakit nawawalan ng gana ang
mga estudyante sa kanilang pag-aaral.
  Isa din akong estudyante at naranasan ko na din ang mga
ganitong pangyayari, marahil ay mas malala pa ngunit nagpapasalamat na din ako
at pinagdaanan ko ang mga ito dahil ito ang nagbukas sa aking mga mata sa
katotohanan na kailangan ng mga kabataan ng isang guro na maghahatid at huhubog
sa kanila sa tamang anyo. Naniniwala ako na mas magsusumikap ang mga estudyante
kung makikita at mararamdaman nila ang pagmamahal at pag-aaruga ng kanilang
guro. Hindi ko sinasabi na dapat mawala ang disiplina sa loob ng silid-aralan
ngunit  mas naniniwala ako na mas
magiging matagumpay ang pagtuturo kung may kasama ito na pagmamahal.

 
  Nasa unang taon pa lamang ako ng kolehiyo at kinukuha ko ang
kursong  “Bachelor of Science in
Secondary Education” dahil nais ko na umunlad ang ating bansa at ako ay buong
puso na naniniwala na ang kabataan ang pag-asa ng ating bayan,  ngunit paano natin makakamit ang ating hinahangad
na tagumpay kung walang armas ang ating mga panlaban? Edukasyon ang
pinakamalakas na sandata ng sinuman dahil malaya ka na makakagalaw kung ikaw ay
may pinag-aralan. Magkakaroon ka ng lakas ng loob at tiwala sa sarili dahil
alam mo na may ibubuga ka at walang sinoman ang maaring tumupak o mang-api sa
iyo. Tunay na nakakapanghina ang mga nangyayari sa ating bansa sa kasalukuyan
pero hindi pa huli ang lahat para ayusin ang mga ito. Alam ko na madami pa
akong bigas na kakainin upang makamit ang aking pangarap pero ngayon pa lamang
ay hinahanda ko na ang aking sarili sa napaka-laking responsibilidad na aking
gagampanan.
 Kulang-kulang na apat na taon pa bago ko masabi na isa na
akong ganap na guro ngunit ngayon pa lang ay iniisip ko na ang aking pagkatao
bilang teacher. Meron akong tatlong patakaran sa loob ng aking klase at ito ay
ang: respeto, katapatan, at pagmamahal sa kapwa. Ang mga patakaran na iuto ang
tutulong sa akin na magkaroon ng balanseng 
kapaligiran sa loob  ng
silid-aralan. Ito din ang magiging gabay ko, hindi lamang ng aking mga
estudyante, para maisakatuparan ang aking mga layunin.
 Nakikita ko na ang aking sarili sa hinaharap, ang aking
sarili kapag ako ay ganap na guro na at nagtatag na din ako ng mga katangian na
aking isasabuhay simula pa lamang ngayon upang maging mahusay at mabisa akong
guro. Ang una ay Disiplina, maaring madaling magtatag ng mga patakaran upang
madisiplina ang mga estudyante ngunit ang totoong basihan ng disiplina ay makikita
sa ugali ng bata sa labas ng silid-aralan. Nais ko na magkaroon sila ng
disiplina na dadalhin nila hangang pagtanda nila upang maging mabuting
halimbawa din sila sa ibang mga bata.
 Ang ikalawa ay nais ko 
ibalik ang tradisyunal na pagtuturo. Ang ibig kong sabihin sa
tradisyunal na pagtuturo na walang mga “high-tech gadgets” dahil naniniwala ako
na isa ito sa mga dahilan kung bakit napapariwara ang ilang mga estudyante.
Nais ko na matuto sila sa aking mga tinuturo at maintindihan nila ng mabuti ang
aking mga tinuro. Nais ko na maipaliwanag nila sa kanilang sariling kakayahan
ang mga aralin na aking tinuro.
 At ang panghuli ay nais kong ituro sa kanila ang mga
kasanayan na magagamit nila sa tunay na buhay dahil higit sa talino mas
magagamit nila ang mga ksanayang ito. Ayoko na walang alam ang aking mga
estudyante sa realidad ng buhay dahil kahit anong talino ng isang bata kung
wala naman siyang alam sa mga nangyayari sa paligid ay magiging walang halaga
ang katalinuhan na ito.

 
 Mahaba pa ang aking preparasyon sa pagiging guro ngunit
dapat ngayon pa lamang ay handa na ako sa aking tatahakin na landas sa buhay.
Hindi ako susuko hanggang hindi ko nakakamit ang nais ko na pagbabago at ang
aking kayunin na baguhin ang ating mga kabataan. Alam kong hindi madali ito
ngunit ang mahalaga ay mahal ko ang aking gagawin at wala akong kahit anumang
bahid na pagsisisi sa aking piniling kurso at pangarap.
 
No comments:
Post a Comment